Ipinahayag ni Raul Lambino, tagapagsalita at Vice President for International Affairs ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban), na nakikita niya ang isang potensyal at “formidable tandem” sa pagitan nina Bise Presidente Sara Duterte at Baguio City Mayor Benjamin Magalong para sa pambansang halalan sa 2028.
Sa isang panayam sa programang “Politiko Nightly” ng Bilyonaryo News Channel, ikinatuwa ni Lambino ang naging deklarasyon ni Duterte na tatakbo ito bilang pangulo sa susunod na eleksyon at binigyang-diin na magiging napakalakas na tambalan ito kung magpapasya si Magalong na tumakbo bilang bise presidente.
Ayon kay Lambino, kapwa nagtataglay ng tapang at malasakit sa publiko ang dalawang lider, na siyang kailangang katangian para sa susunod na mga pinuno ng bansa.
Hinimok din niya ang alkalde ng Baguio na seryosong isaalang-alang ang posibilidad na ito, lalo na’t kasalukuyan na itong nagsisilbi sa kanyang huling termino bilang mayor.
Nagpahayag ng pag-asa ang opisyal ng PDP-Laban na magkakaroon ng tamang gabay si Magalong sa anumang desisyong gagawin nito para sa kanyang karerang pampulitika.
Sa kabila ng pag-endorso ni Lambino, nilinaw naman ni Mayor Magalong na sa kasalukuyan ay wala sa kanyang isip ang pagtakbo para sa anumang mas mataas na posisyon sa gobyerno gaya ng pagka-bise presidente.
Gayunpaman, ang maugong na usapin tungkol sa “Duterte-Magalong tandem” ay patuloy na nagbibigay-kulay sa mga maagang kaganapan patungo sa 2028 elections.
