Inihayag ng grupong Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) ang kanilang marubdob na suporta sa desisyon ni Bise Presidente Sara Duterte na tumakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa darating na halalan sa 2028.
Sa ginanap na press conference sa El Mercedes Events Place, Mercedes Avenue, Pasig City, sinabi ni former PACC Chairman Greco Belgica, kabilang sila sa nakararaming Pilipino na naghahanap ng isang lider na tunay na magpapanumbalik ng tiwala at suporta sa isang gobyernong magpapaganda sa buhay ng mamamayan.
Mariing ipinagtanggol ni Belgica ang Vice President laban sa mga kritiko, kung saan iginiit nilang gawa-gawa lamang ang mga kwento tungkol sa confidential funds upang pagtakpan ang mas malalaking anomalya sa gobyerno, gaya ng flood control scam.
Naniniwala ang samahan na pilit na ginigipit si VP Sara dahil siya lamang ang may kakayahang sugpuin ang talamak na korapsyon sa bansa.
Bukod sa pagsuporta sa kandidatura, isinusulong din ng PDDS ang isang malawakang reporma sa pamamagitan ng pagpapalit ng sistema ng gobyerno patungo sa isang Parliamentary at Federal System.
Naniniwala ang grupo na ito ang tamang paraan upang matanggal ang labis na kapangyarihan ng Pangulo at ng Kongreso na madalas umanong naabuso upang labagin ang kalayaan ng tao at nakawin ang pera ng bayan.
Katuwang ang PDP at iba pang kaalyadong grupo, nananawagan ang PDDS para sa pagkakaisa ng lahat ng mga reformists upang linisin ang sistema at alisin ang mga tiwaling elemento sa pamahalaan.
Sa huling bahagi ng kanilang pahayag, hinimok ng PDDS ang bawat Pilipino na isantabi ang pulitika at personal na interes na naghahati sa bayan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
Nakiisa ang grupo sa panawagan ng Bise Presidente na muling ibalik ang “Tapang at Malasakit” para sa Diyos, sa bayan, at sa bawat pamilyang Pilipino.
Handa umano ang grupo na ialay ang kanilang oras at resources upang ihanda ang daan para sa katatagang pulitikal at pag-unlad ng Pilipinas.
