Nagpahayag ng matinding paghanga at sportsmanship ang Pinay tennis star na si Alexandra “Alex” Eala para sa world No. 4 na si Coco Gauff matapos ang kanilang kapana-panabik na quarterfinal showdown sa Dubai Duty Free Tennis Championships nitong Huwebes ng gabi.
Winakasan ng American star ang matikas na kampanya ni Eala sa nasabing WTA 1000 event sa pamamagitan ng isang dominanteng 6-0, 6-2 na panalo, dahilan upang umusad si Gauff sa semifinals ng prestihiyosong turneyo.
Bagama’t bigong makasungkit ng upuan sa susunod na round, hindi nakalimot ang pambato ng Pilipinas na batiin ang kanyang katunggali sa pamamagitan ng isang social media post.
Ayon kay Eala, itinuturing niyang isang karangalan ang makasama sa loob ng court ang isang manlalarong gaya ni Gauff dahil marami siyang natututunan sa bawat pagkakataon na sila ay nagkakaharap.
Ang mensaheng ito ay umani ng positibong reaksyon mula sa mga tennis fans na bumilib sa ipinakitang kababaang-loob ng batang Pinay.
Bago ang kanyang pagkatalo sa quarterfinals, naging maugong ang pangalan ni Eala sa buong turneyo dahil sa serye ng kanyang mga impresibong panalo laban sa mas matataas na ranggong manlalaro.
Ang pag-abot niya sa quarterfinal stage ng isang WTA 1000 event ay itinuturing na isa na namang malaking milestone sa kanyang mabilis na umuusbong na professional career, na nagpapatunay na kaya na niyang makipagsabayan sa mga elite stars ng mundo ng tennis. (RON TOLENTINO)
