Isang lalaking pinaghihinalaang nagbebenta ng ilegal na armas ang napatay matapos umanong manlaban sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Laguna sa isang operasyon sa Cabuyao, Laguna.
Gayunpaman, mariing itinanggi ng pamilya ng biktimang kinilalang si Paul Hatulan ang bersyon ng pulisya, sa pagsasabing wala itong armas at hindi sangkot sa anumang masamang gawain.
Batay sa ulat ng CIDG, nagsagawa sila ng “Oplan Paglalansag Omega” o isang buy-bust operation laban kay Hatulan.
Ayon sa mga awtoridad, nakatunog umano ang biktima nang magkabayaran na, kaya tinangka nitong agawan ng baril ang isang operatiba na naging sanhi ng pagbaril sa kanya ng mga backup na pulis.
Batay sa autopsy, nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa tiyan na tumagos sa kanyang ari, at idineklarang patay sa ospital dahil sa labis na pagkawala ng dugo.
Sa kabilang banda, ipinunto ng pamilya ang kuha ng CCTV sa Barangay Gulod kung saan makikita ang pagtumba ni Hatulan sa kalsada. Giit ng kanyang mga kamag-anak, naglalakad lamang ang biktima upang bumili ng meryenda nang biglang dumating ang mga armadong lalaki na nakasibilan.
Ayon sa isang saksi, tumakbo si Hatulan dahil sa takot nang makita ang mga armadong lalaki, at doon na siya binaril nang walang anumang armas na hawak.
Maging ang pamunuan ng barangay ay nagpahayag ng pagkabigla dahil wala umanong koordinasyong naganap bago ang operasyon.
Tumanggi ring pumirma ang mga opisyal ng barangay sa inventory ng mga nakuhang ebidensya dahil wala silang kinatawan noong aktwal na naganap ang insidente.
Sa kasalukuyan, kapwa nagsasagawa na ng kani-kanilang imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) Laguna at ang NAPOLCOM upang matukoy kung nagkaroon ng paglabag sa protocol o “extrajudicial killing” sa nasabing operasyon.
