Binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina noong Huwebes, Pebrero 19, ang apat na araw na “Arts, Crafts, and Coffee Festival” sa Marikina Freedom Park bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month. Pinangunahan nina Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro at Marikina First District Representative Marcy Teodoro ang kickoff ng nasabing aktibidad na may temang “Art in Every Pour,” na naglalayong bigyang-pugay ang mga mahuhusay na lokal na alagad ng sining at mga creative entrepreneurs, kasabay ng pagtataguyod sa lumalagong coffee culture ng lungsod.
Ayon kay Mayor Maan Teodoro, muling ibinalik at mas pinaganda ang festival ngayong taon matapos itong maantala ng bagyo noong nakaraang taon, kung saan layon nilang gawing regular ang mga ganitong pagtitipon sa Freedom Park upang mas mapatibay ang samahan ng komunidad sa pamamagitan ng pagkain at kwentuhan.
Binigyang-diin ng punong lungsod na ang pagdiriwang na ito ay simula pa lamang ng serye ng mga aktibidad na nakaplano para sa buong taon na nakatuon sa pagkakaisa ng mga taga-Marikina.
Nagpasalamat naman si Rep. Marcy Teodoro sa Marikina Tourism Office at sa mga paaralang nakiisa sa programa, habang binabanggit na ang inisyatibong ito ay pakikiisa ng lungsod sa pambansang pagkilala sa sining at talento ng mga Pilipino.
Tampok sa nasabing festival ang iba’t ibang aktibidad gaya ng art at drawing tutorials, spoken word poetry, live music, at tasting sessions mula sa mga coffee connoisseurs.
Bukod sa mga kapehan, nagbibigay din ang okasyon ng pagkakataon para sa mga lokal na negosyante na itampok ang kanilang mga handmade accessories at likhang-sining na nagpapakita ng tunay na “Tatak Marikina.”
Nanawagan din ang alkalde sa publiko, kabilang ang mga bisita mula sa ibang bayan, na suportahan ang mga maliliit na negosyo at kapihan upang mas mapalago pa ang industriya ng sining at kape sa lungsod.
Ang 2025 Arts, Crafts, and Coffee Festival ay bukas mula Pebrero 19 hanggang Pebrero 22, kung saan nagsisimulang magsilbi ang mga coffee shops tuwing alas-otso ng umaga habang ang mga arts and crafts booths naman ay nagbubukas sa ganap na alas-diyes ng umaga.
Ang pagdiriwang na ito ay bahagi ng National Arts Month na ginugunita tuwing Pebrero sa ilalim ng Proclamation No. 683, na kumikilala sa mahalagang papel ng sining sa paghubog ng pambansang identidad at kultura ng bansa.
