Binigyang-diin ni Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes ang pangangailangan para sa mas patas na sistema sa pamamahagi ng social pension at ang pagtatatag ng mga pasilidad na eksklusibo para sa mga nakatatanda sa bansa.
Ayon kay Ordanes, marami sa mga senior citizens ang nagrereklamo dahil sa tagal ng paghihintay ngunit wala pa ring natatanggap na pension.
Binatikos niya ang kasalukuyang sistema kung saan ang social pension ay para lamang sa mga “entitled” o mahihirap, na aniya ay madalas na-popolitika.
Isinusulong ng mambabatas ang “Universal Pension” upang matiyak na lahat ng senior citizens, anuman ang katayuan sa buhay, ay makatanggap ng tulong mula sa gobyerno.
Ibinida rin ni Ordanes ang tagumpay ng ilang panukala sa Kongreso, kabilang ang pagtatatag ng sariling ospital na eksklusibo para sa mga senior citizens.
Mariing tinutulan ng mambabatas ang mga planong alisin ang VAT exemption para sa mga senior citizens.
Babala niya, kung matutuloy ito, awtomatikong tataas ang gastusin ng mga nakatatanda sa pagkain, gamot, at iba pang pangangailangan, lalo na’t malaki ang gastusing medikal ng sektor na ito.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Ordanes sa umano’y pakikialam ng ilang opisyal sa National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Binatikos niya ang paggamit ng pondo at resources ng gobyerno para sa personal na ambisyong politikal.
Kaugnay nito, muli niyang isinulong na ang mga “appointed government officials” na nagnanais tumakbo sa halalan ay dapat magbitiw sa pwesto isang taon bago ang filing ng candidacy.
Sa huli, nanawagan si Ordanes sa mga senior citizens na maging matalino sa pagpili ng lider at huwag magpasilaw sa “vote-buying.”
Ipinagmalaki niya na ang kanyang pagkapanalo ay bunga ng tunay na suporta ng mga nakatatanda na hindi nabayaran ang boto.
Patuloy na nangangako ang Senior Citizens Partylist na babantayan ang mga batas at programa na tunay na maglilingkod sa kapakanan ng bawat lolo at lola sa buong Pilipinas.
