Patuloy na pinagtitibay ng 550th Air Base Group ang ugnayan nito sa komunidad sa pamamagitan ng sunod-sunod na programang pang-impormasyon, makatao, at pangkultura sa nakalipas na buwan.
Bilang bahagi ng kampanya sa pagpapalawak ng kaalaman ng kabataan, nagsagawa ang Group Civil-Military Operations (GCMO) ng Information Drive para sa mga mag-aaral ng Christ-Centered Academy sa loob ng Fernando Air Base noong ika16 ng Enero.
Tinalakay sa aktibidad ang papel at misyon ng Philippine Air Force at ang mga oportunidad sa paglilingkod sa bayan. Layunin nito na palalimin ang pag-unawa ng kabataan sa kahalagahan ng pambansang depensa at responsableng pagkamamamayan.
Ayon sa mga guro, nagbigay inspirasyon ito sa mga mag-aaral upang higit na pahalagahan ang serbisyo publiko at pagmamahal sa bansa.
Noong ika-19 ng Enero, matagumpay na naisagawa ang Pamamahagi ng Donasyon sa mga residente ng Barangay Sala, Balete, Batangas. Ipinamahagi ang pangunahing pangangailangan sa mga piling benepisyaryo.
Ayon sa mga residente, malaking tulong ang natanggap lalo na sa patuloy na pagbangon ng pamilya mula sa hamon ng kabuhayan. Ang aktibidad ay nagpatibay ng ugnayan sa pagitan ng militar at sibilyan.
Kasunod nito, nakibahagi ang 550th Air Base Group sa Lipa Town Fiesta Parade noong ika-20 ng Enero sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan. Nagbigay-sigla sa parada ang marching band ng yunit, na mainit na tinanggap ng mga residente at lokal na opisyal.
Ayon sa mga organizers, mahalaga ang pakikiisa ng iba’t ibang sektor, kabilang ang sandatahang lakas, upang mapalakas ang diwa ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa kultura.
Noong ika-30 ng Enero, isinagawa ang Milk Donation activity sa BJMP Lipa Male Dormitory sa pakikipagtulungan ng ACE’s Farm. Naipamahagi ang sariwang gatas sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) upang mapabuti ang kanilang nutrisyon at kalusugan.
Pinuri ng pamunuan ng BJMP ang inisyatiba bilang patunay ng koordinasyon at malasakit ng militar at pribadong sektor.
Sa ika-31 ng Enero, aktibo ring nakiisa ang 550th Air Base Group sa EPCALM Blood Donation Drive sa St. Luke’s Medical Center Global City, Taguig. Dalawampung (20) tauhan ang boluntaryong nag-donate ng dugo. Pinangunahan ang aktibidad ni 1LT JEREMY M DELA PEÑA PAF, Director for GCMO, kasama ang iba pang personnel para sa maayos na koordinasyon.
Sa kabuuan, ipinapakita ng 550th Air Base Group na ang kanilang misyon ay hindi lamang nakatuon sa seguridad, kundi pati sa serbisyong makatao, bolunterismo, at aktibong pakikilahok sa pagpapaunlad ng komunidad.
