Isang mahalagang hakbang tungo sa pagkamit ng seguridad sa enerhiya at pagpapalaganap ng malinis na teknolohiya ang nailunsad matapos pagkalooban ng U.S. Trade and Development Agency (USTDA) ng grant na nagkakahalaga ng $2.8 milyong dolyar (humigit-kumulang ₱162 milyon) ang Manila Electric Company (Meralco).
Ang nasabing tulong pinansyal ay gagamitin ng Meralco PowerGen Corporation (MGEN) para sa malalimang pag-aaral sa pagpapatupad ng Small Modular Reactor (SMR) sa bansa.
Ang komprehensibong SMR Adoption Study, na nakatakdang simulan ngayong taon, ay naglalayong tukuyin ang mga angkop na teknolohiya at estratehikong lokasyon para sa pagtatayo ng mga nuclear reactor.
Sa ilalim ng Nuclear Energy Strategic Transition (NEST) program ng Meralco, layon nitong isama ang nuclear power sa energy mix ng Pilipinas bilang isang pangmatagalan at low-carbon na solusyon sa lumalaking pangangailangan sa kuryente.
Ayon kay Thomas R. Hardy, Deputy Director ng USTDA, ang proyektong ito ay simbolo ng matibay na kooperasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos sa pagbuo ng mga estratehikong imprastraktura.
Binigyang-diin niya na ang ligtas at mapagkakatiwalaang nuclear solutions ay may malaking potensyal na maghatid ng energy independence para sa bansa, habang binubuksan ang pinto para sa mga makabagong teknolohiyang Amerikano sa merkado ng Pilipinas.
Ipinahayag naman ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan ang kanyang pasasalamat at kahandaan sa nasabing transisyon.
Ayon kay Pangilinan, ang grant na ito ay hindi lamang suportang pinansyal kundi isang pagkilala sa kakayahan ng Meralco na pangunahan ang responsableng paggamit ng nuclear energy.
Binigyang-diin niya na nararapat lamang para sa bansa na simulan ang seryosong pag-aaral sa nuclear energy upang matiyak ang isang matatag at masiglang kinabukasan para sa sektor ng enerhiya.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungang ito, inaasahang makabubuo ng isang malinaw na roadmap na susuri sa kahandaang komersyal, pinansyal, at regulatibo ng bansa, na magsisilbing gabay sa ligtas at maayos na integrasyon ng nuclear power sa pambansang grid.
