Determinado ang Magnolia Hotshots na bumawi sa darating na PBA Commissioner’s Cup sa pagpasok ng kanilang bagong reinforcement na si Terrell Brown-Soares.
Ang 6-foot-9 na product ng University of San Diego ay dumating na sa bansa nitong nakaraang weekend.
Agad itong nakipagpulong at nakasalo sa tanghalian ni Magnolia head coach LA Tenorio noong Linggo upang simulan ang preparasyon para sa komperensyang magbubukas sa Marso 11.
Bagama’t hindi pinalad sa NBA Draft, bitbit ni Brown-Soares ang malawak na karanasan mula sa paglalaro sa iba’t ibang bansa gaya ng Czech Republic, Mexico, at ang pinakahuli ay sa Poland para sa koponang Miasto Szkla Krosno.
“Bagong import. Sana okay and mag-fit sa amin,” pahayag ni Tenorio, na kadarating lang din mula sa Doha, Qatar para sa inaugurasyon ng Batang PBA International.
Inamin ni Tenorio na nasa radar din nila ang dating Best Import na si Jonathan Williams, ngunit hindi ito available dahil kasalukuyang naglalaro sa England. Matatandaang si Williams ang tumalo sa dating import ng Magnolia na si Tyler Bey para sa prestihiyosong award noong nakaraang Season 48.
Hangad ng Magnolia na malampasan ang naging kampanya nila noong nakaraang Commissioner’s Cup. Sa ilalim ng import na si Ricardo Ratliffe, muntik nang hindi umabot sa playoffs ang Hotshots matapos pumasok bilang 8th seed, kung saan agad silang pinatalsik ng top-seeded NorthPort sa quarterfinals.
Sa pagdating ni Brown-Soares, inaasahang magkakaroon ng mas matibay na presensya sa ilalim ng ring ang Magnolia upang muling maging banta sa titulo. (Ron Tolentino)
