Sa kabila ng pagod mula sa mahabang biyahe at mahalagang okasyon sa pamilya, personal na nagpakita ang seven-foot giant na si Greg Slaughter sa ensayo ng Titan Ultra ngayong Martes ng umaga sa Victoria Sports Gym.
Ang nasabing hakbang ay malinaw na senyales ng pagnanais ni Slaughter na muling makatapak sa PBA matapos ang limang taong pagkawala sa liga mula nang huli itong maglaro para sa NorthPort.
Dumating si Slaughter mula Dubai nitong Lunes ng gabi ngunit hindi ito naging hadlang upang bumiyahe nang maaga mula Laguna patungong Quezon City. Isinaantabi muna ng 2013 Rookie of the Year ang pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang anak upang tuparin ang pakikipagpulong sa pamunuan ng Titan.
“It’s kinda nostalgic finally stepping into a venue that’s just about the PBA,” ani Slaughter.
“PBA has always been a league that I have a lot of success in… I am very confident I can come back and be a major contributor again.”
Aminado ang team owner ng Titan Ultra na si Bryann Calantoc na kailangan ng kanyang koponan ng taas at bigat sa ilalim upang makasabay sa mga elite teams sa darating na 2026 Commissioner’s Cup. Sa kasalukuyan, ang Giant Risers ay may average height na 6-2 lamang, kung saan ang 6-7 na si Mario Barasi ang kanilang pinakamatangkad na player.
“I hope we can get this deal signed. Nakita namin ang kanyang sinseridad na bumalik sa PBA. Kung magiging maayos ang negosasyon, he can be our ticket back to the league,” pahayag ni Calantoc, na humanga sa dedikasyon ni Slaughter sa kabila ng puyat at pagod.
Maging ang star forward ng Titan na si Joshua Munzon ay positibo sa posibleng pagdating ni Slaughter. Binigyang-diin ni Munzon na malaking bagay ang magkaroon ng kasing-tangkad ni June Mar Fajardo upang maging balanse ang kompetisyon sa liga.
“I think that getting a seven-foot guy in this league will definitely help your team. There’s only one dominant big man in the league and it’s June Mar, so anytime you can get a guy the same height as him, it will make a difference,” paliwanag ni Munzon, ang reigning Most Improved Player.
Sa ngayon, nakasalalay ang pormal na pagbabalik ni “GregZilla” sa magiging takbo ng negosasyon sa pagitan ng kanyang kampo at ng Titan Ultra management sa mga susunod na araw. (Ron Tolentino)
