Mas uminit ang pagtugis kay dating mambabatas Zaldy Co matapos kumpirmahin ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na makikipagtulungan na ang pamahalaan ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Sweden para sa kanyang pagkakaaresto.
Si Co, na nahaharap sa kasong katiwalian at malversation kaugnay ng maanomalyang flood control projects sa Oriental Mindoro na nagkakahalaga ng P289 milyon, ay namataang nasa Stockholm, Sweden—malayo sa naunang hinala ng mga opisyal na siya ay nasa Lisbon, Portugal.
“Aalis ako mamayang gabi para gumawa ng coordination calls. Maririnig niyo ako sa susunod na dalawang linggo kung anong mangyayari,” pahayag ni Remulla sa mga reporter.
Ang plano ng pamahalaan? I-“red flag” sa pamamagitan ng Interpol ang ginagamit na Portuguese passport ni Co. Ayon kay Remulla, nakakaikot nang malaya ang dating konggresista dahil sa hawak nitong dayuhang pasaporte, sa kabila ng pagkansela sa kanyang Philippine passport noong Disyembre 2025.
Napatunayan ang pananatili ni Co sa Sweden matapos itong pumirma ng mga petisyon doon na dumaan pa sa proseso ng apostille.
Hindi biro ang mga paratang laban kay Co. Ang P289 milyong pondo ay para sana sa mga flood control projects—imprastrakturang direktang nagpoprotekta sa mga komunidad laban sa bagyo at baha. Kung mapapatunayan ang mga alegasyon, lumalabas na ang perang dapat ay nagliligtas ng buhay at ari-arian ay ninakaw lamang.
Sa kabila nito, itinatanggi ng kampo ni Co ang mga akusasyon at iginiit na siya ay biktima lamang ng hindi patas na pagtarget. Hustisya para sa ‘Big Fish’?
Marami ang nagtatanong: Bakit tila laging nakakahanap ng butas ang mga makapangyarihan para takasan ang pananagutan habang ang ordinaryong Pilipino ay agad na nararamdaman ang bigat ng batas?
Ito na nga ba ang sandali na makakakita ang mga Pilipino ng isang “big fish” na nahuhuli, o mauuwi na naman ito sa isang teleseryeng may ending na “to be continued”?
