Kapansin-pansin ang pagbaba ng timbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang pre-recorded video message na ipinalabas sa pagdiriwang ng Philippine National Police (PNP) Day nitong Huwebes.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, na kumatawan sa Pangulo sa nasabing okasyon, sumailalim ang Punong Ehekutibo sa isang “soup-only” diet nitong mga nakaraang araw.
“Kung kayong lahat ay kumain lang ng sabaw ng tatlo o apat, limang araw eh talagang papayat ka,” ani Recto nang tanungin ng mga reporter kung pumayat nga ang Pangulo.
Kinumpirma ni Recto na pinayuhan ng mga doktor ang Pangulo na magpahinga ng isang linggo. Matatandaang inihayag ng Malacañang na dinala sa ospital ang Pangulo noong nakaraang linggo at na-diagnose na may diverticulitis, o pamamaga ng mga pouches sa loob ng colon.
Bagama’t inilarawan ng Pangulo ang kanyang kondisyon bilang “hindi banta sa buhay,” nilimitahan muna ang kanyang mga aktibidad sa mga pribadong pagpupulong sa loob ng Palasyo at pansamantalang hindi lumalabas para sa mga pampublikong kaganapan.
Sa gitna ng mga kumakalat na pekeng dokumento tungkol sa kanyang kalusugan, sinabi ni Recto na posibleng magkaroon ng imbestigasyon hinggil dito bagama’t hindi pa nila ito pormal na napag-uusapan ng Pangulo.
Tiniyak din ng kalihim na “well aware” o mulat ang Pangulo sa lahat ng mga isyu sa bansa, kabilang ang mga reklamong impeachment na inihain laban sa kanya sa Kamara. Inaasahang babalik sa kanyang regular na aktibidad ang Pangulo sa susunod na linggo dahil nasa mabuti na itong kalagayan.
