Muling uminit ang usap-usapan tungkol sa balasahan sa Gabinete ng administrasyong Marcos matapos lumutang ang pangalan ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Juan Miguel “Mitch” Cuna bilang posibleng susunod na kalihim ng kagawaran.
Ito ay sa gitna ng mga bali-balitang malapit na umanong lisanin ni DENR Secretary Raphael Lotilla ang kanyang pwesto.
Itinuturing na “serious contender” si Cuna para sa pinakamataas na posisyon sa DENR dahil sa lawak ng kanyang karanasan at matibay na ugnayang pulitikal. Si Cuna ay pinsan ni dating Senate President Juan Miguel Zubiri at sinasabing malapit din sa pamilya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, partikular kay dating Congressman Mikey Arroyo.
Ngunit ayon sa mga obserba, hindi lamang sa koneksyon nakasandal si Cuna. Isa siya sa iilang opisyal na nagmula sa ibaba at unti-unting umakyat sa herarkiya ng DENR. Nagsimula siya bilang Assistant Secretary for Legal Services noong 2008 hanggang sa marating ang kasalukuyang posisyon bilang Undersecretary.
Sa kasalukuyan, pinamamahalaan ni Cuna ang mga operasyon sa field at may superbisyon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Environmental Management Bureau (EMB) sa buong Luzon at Visayas. Ang mga posisyong ito ang itinuturing na “nerve center” ng mga sensitibo at mabibigat na desisyon ng departamento.
Bukod sa pagiging abogado, si Cuna ay nagsilbi ring konsehal ng Maynila mula 2001 hanggang 2007. Hawak din niya ang titulong Master in Public Management mula sa Lee Kuan Yew School of Public Policy at Harvard Kennedy School—mga kredensyal na nagbibigay ng bigat sa kanyang kakayahan bilang isang technocrat.
