Patay ang isang lalaki matapos mauwi sa madugong komprontasyon ang kaniyang pakikipagtalo sa isang pamilya sa Sitio Tibagan, Barangay San Jose, nitong hapon ng Martes, Enero 27.
Batay sa ulat ng Antipolo Component City Police Station (CCPS), idineklarang dead on arrival sa Cabading Hospital ang biktima dakong alas-6:20 ng gabi matapos magtamo ng malulubhang sugat sa ulo at katawan.
Ayon sa pahayag ng saksi, nakainom ang biktima nang makita ang mga suspek.
Dito umano naalala ng biktima ang isang lumang insidente kung saan pinagtulungan bugbugin din ng parehong mga suspek ang kaniyang tiyuhin.
Dahil sa galit at kalasingan, naging agresibo ang biktima na humantong sa pisikal na bakbakan.
Sa gitna ng kaguluhan, dumating umano ang ina ng mga suspek na may dalang tubo at hinampas ang biktima, dahilan upang bumagsak ito sa lupa. Hindi pa nakuntento, pinagtulungan umano ng mga suspek na sipain sa ulo ang biktima hanggang sa mawalan ito ng malay.
Dinala pa ng mga kamag-anak ng mga suspek ang biktima sa ospital, ngunit hindi na ito umabot nang buhay.
Rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 upang arestuhin ang mga suspek, ngunit wala na ang mga ito sa pinangyarihan ng krimen at pinaniniwalaang mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng manhunt operation ang kapulisan ng Antipolo para sa ikaaaresto ng mag-ina at iba pang sangkot sa nasabing krimen.
