Isang mabilis na aksyon mula sa isang security guard ang nakapigil sa tangkang pagdukot sa isang anim na taong gulang na batang babae sa loob mismo ng kaniyang paaralan sa Barangay Guitnang Bayan 2, nitong Lunes, Enero 26.
Batay sa ulat ng San Mateo Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali sa Maranatha Christian Academy School sa Kambal Road.
Ang biktima, na kinilala sa alyas na “Inday,” ay anak ng isang Police Major.
Ayon sa imbestigasyon, dumating ang suspek na kinilala sa alyas na “Janry,” sakay ng isang itim na Yamaha Mio Aerox na may plate number 773OXK.
Nagpakilala ang suspek sa security guard na si alyas “Ronald” bilang awtorisadong susundo sa bata.
Gayunpaman, nakaramdam ng hinala ang guwardiya dahil sa kahina-hinalang kilos ng lalaki kaya nanindigan itong huwag ilabas ang bata.
Agad na ipinagbigay-alam ng pamunuan ng paaralan ang pangyayari sa mga magulang ng biktima, na kumpirmadong hindi nila kilala ang suspek at wala silang itinalagang ibang susundo sa kanilang anak.
Nang mabuko, mabilis na humarurot ang suspek sakay ng kaniyang motorsiklo patungo sa direksyon ng Batasan, Quezon City.
Nitong gabi ng Enero 27, pormal na nagreklamo sa himpilan ng pulisya ang ama ng bata na si Major Mark.
Nakilala ang suspek na residente ng Luzon Street, Brgy. Batasan Hills, Quezon City, at huling nakitang nakasuot ng puting t-shirt at brown na short.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo ng suspek. Inihahanda na rin ang kaukulang kaso na isasampa sa pamamagitan ng regular filing.
