“Kami lang ang genuine opposition na hindi co-opted ng mga oligarko.”
Ito ang matapang na pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio matapos dumaan sa matinding panggigipit ang kanilang grupo sa pagtatangkang ihain ang ikatlong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong nakaraang Lunes.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum, sinabi ni Topacio, ang PDP lamang ang tanging partidong nananatiling tapat sa prinsipyo at hindi kontrolado ng malalaking negosyante o may ugnayan sa mga “front organizations.”
Binatikos din niya ang Makabayan Bloc na tinawag niyang “malleable opposition” na tila nakikipag-alyansa na sa mayorya para lamang mapaboran.
Isiniwalat ni Topacio ang aniya’y “political coercion” nang tumanggi ang Office of the Secretary General na tanggapin ang kanilang 44-pahinang reklamo.
Sa kabila ng pagiging “ministerial duty” o obligasyon ng opisina na tanggapin ang anumang dokumento, hinarang umano sila gamit ang mga mababaw na dahilan gaya ng pagliban ng Secretary General dahil nasa Taiwan ito para sa isang award.
“Hindi pwedeng mamili ang opisina kung ano ang tatanggapin nila. Ang pagpapasya kung sapat ang form at substance ay nasa Committee on Justice, hindi sa mga tauhan ng Secretary General,” giit ni Topacio.
Dahil sa pagtanggap ng Kamara sa dalawang naunang reklamo na inilarawan ni Topacio na “flimsy” o manipis, epektibo na ang one-year ban o Francisco Rule.
Ibig sabihin, hindi na maaaring maghain ng panibagong impeachment laban sa Pangulo sa loob ng isang taon.
Ayon sa abogado, ito ay bahagi ng isang planadong hakbang upang tuluyan nang mabasura ang kanilang “genuine” na reklamo na naglalaman ng libu-libong ebidensya at USB drives.
Sa kabila ng pagkakaharang sa kanilang reklamo, tiniyak ni Topacio na hindi hihinto ang kanilang grupo sa paglalantad ng katotohanan at paglaban sa mga maling polisiya ng kasalukuyang pamahalaan. (Mina Paderna)
