Bagama’t natunton na ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng puganteng si dating Ako Bicol Representative Elizaldy Co sa isang marangyang enclave sa Portugal, nahaharap ang gobyerno sa hamon kung paano ito maibabalik sa bansa dahil sa kawalan ng extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at Portugal.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla, bagama’t namumuhay sa mala-Forbes Park na subdivision si Co, tila isa rin itong preso dahil sa takot na lumabas ng bahay.
“He’s a poor man with a lot of money. Lahat ng pera niya hindi niya ma-enjoy… Nakakulong lang sa mala-mansyong bahay niya,” ani Remulla.
Dahil hawak ni Co ang isang “investor passport” mula sa Portugal sampung taon na ang nakararaan bago pa ang kanyang kamakailang sentensya, hindi basta-basta magagamit ang extradition kahit may “red notice” mula sa Interpol.
Dahil dito, naghahanap ang pamahalaan ng mga posibleng kaso ni Co bago ang taong 2016 upang magkaroon ng legal na basehan sa pagbawi sa kanya.
Samantala, pinagtibay ng Sandiganbayan 5th Division ang kanselasyon ng Philippine passport ni Co.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Zaldy Trespeces, idineklara si Co bilang isang “fugitive from justice.” Dahil dito, inilapat ng korte ang “fugitive disentitlement doctrine,” kung saan hindi maaaring makakuha ng anumang legal na lunas o relief mula sa korte si Co hangga’t hindi siya sumusuko.
May mga ulat na nagpapadating umano ng mensahe si Co sa pamamagitan ng mga pari na nais niyang makipag-diyalogo sa gobyerno.
Gayunpaman, binalewala ito ni Remulla at tinawag na parang “Maritess” o tsismis lamang dahil galing ito sa third-hand sources. Itinanggi rin ng abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain ang naturang mga “feelers,” at sinabing siya lamang ang awtorisadong magsalita para sa kanyang kliyente.
Nahaharap si Co sa mga kasong graft at malversation kaugnay ng anomalya sa P289.5-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.
Kasama sa mga kinasuhan ang mga opisyal ng DPWH-Mimaropa at mga ehekutibo ng Sunwest, ang kumpanya ni Co. Ito ang itinuturing na unang kaso kaugnay ng flood control projects na nakarating sa korte. (Limuel Tolentino)
