Tuluyang naging mitsa ng buhay ng isang mag-asawa ang malakas na sunog na sumiklab sa isang residential area sa Barangay Tejeros, Makati City, madaling araw ng Sabado.
Kinumpirma ni Makati Mayor Nancy Binay ang malungkot na balita base sa ulat na natanggap niya mula sa Bureau of Fire Protection (BFP).
“Based on the report sa akin ng Fire Department, nakakalungkot na balita kasi mayroong mag-asawa na nasawi sa sunog ngayong umaga,” pahayag ng alkalde sa panayam ng media.
Ayon sa ulat ng BFP, nagsimulang kumalat ang apoy sa kanto ng D. Gomez St. at Sandico St. bago mag-alas-2 ng madaling araw.
Nagsimula ang apoy sa bahagi ng D. Gomez St. corner Sandico St. bago mag-alas-2 ng madaling araw.
Dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy, agad itong itinaas sa ikatlong alarma bandang 2:35 ng umaga.
Matapos ang ilang oras na pakikipagbuno ng mga bumbero, idineklara itong under control alas-4:26 ng madaling araw at tuluyang naapula o na-fire out pagsapit ng 6:40 ng umaga.
Bukod sa mga namatay, iniulat din ng BFP na may anim na iba pang residente—dalawang lalaki at apat na babae—ang nagtamo ng mga minor injuries.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang tunay na sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsalang iniwan nito.
