Humanda na ang mga kumpanya at sellers ng vape dahil plano ng Department of Trade and Industry (DTI) na higpitan ang sinturon pagdating sa kanilang mga patalastas at promo.
Sa ilalim ng bagong draft order ng DTI, bawal na ang basta-bastang pag-post ng ads o paggawa ng sales promo nang walang basbas ng gobyerno.
Kailangan na ngayong kumuha ng Sales Promotion Permit (SPP) o Advertising Permit (AP) mula sa Office for Special Mandates on Vaping (OSMV) ng DTI. At hindi ito biro dahil dapat isumite ang request 30 araw bago ilunsad ang kampanya.
Ang masakalap, bawat brand o modelo ng vape ay kailangan ng sariling permit. Ibig sabihin, bawat “post” o “promo” ay may katapat na permit fees, taxes at bayad sa DTI representative na magbabantay at magpapatunay sa inyong promo.
Bagama’t layon ng DTI na protektahan ang mga mamimili, lalo na ang mga menor de edad, marami ang nag-aalala na ang mga “big fish” o malalaking korporasyon lang ang makaka-survive dito.
Ang mga maliliit na startup at independent sellers ay nanganganib na malunod sa burukrasya at sangkatutak na bayarin. Imbes na patas na laban, baka maging pabor pa ito sa mga mayayamang kumpanya na kayang bayaran ang anumang “extra cost” ng gobyerno.
Tanong ng marami, hanggang saan ang hangganan ng pagbabantay ng DTI? Baka kasi sa sobrang higpit, hindi na maprotektahan ang publiko kundi mapatay na ang kabuhayan ng mga maliliit na negosyante.
Sa ngayon, bukas pa ang draft para sa mga revisyon, pero malinaw ang mensahe na ang “vaping industry” ay nasa ilalim na ng radar ng gobyerno, at hindi ito magiging madali sa bulsa.
