Todo-bantay ang buong puwersa ng Rizal Police Provincial Office (RPPO) sa pagsalubong sa Bagong Taon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at makamit ang target na “zero casualty.”
Ayon kay Rizal PNP Provincial Director P/Col. Feloteo Gonzalgo, kabuuang 660 na pulis ang ikakalat sa buong lalawigan. Ang bilang na ito ay hindi pa kabilang ang mga force multipliers, mga barangay tanod, at mga non-government organizations (NGOs) na katuwang ng pulisya sa pagpapanatili ng peace and order sa nasabing lalawigan.
Binigyang-diin ni Gonzalgo na kanselado ang bakasyon ng mga pulis upang masiguro ang seguridad ng mamamayan.
Inatasan niya rin ang lahat ng Chief of Police sa lalawigan na magsagawa ng inspeksyon sa mga nagtitinda ng paputok upang masigurong legal at naaayon sa batas ang kanilang mga produkto.
Nagbabala rin ang naturang opisyal na kakasuhan at kukumpiskahin ang mga paninda ng sinumang mahuhuling nagbebenta ng illegal na paputok base sa mga ordinansa ng Local Government Units (LGU).
Pinaalalaahanan niya rin ang publiko na sa mga itinalagang “designated areas” lamang ng LGU maaring magpaputok.
Nanawagan si Gonzalgo sa mga Rizaleno na magkaroon ng disiplina at iwasan ang paggamit ng mga mapanganib na paputok na maaaring makasira sa buhay at pamilya.
“Ang mensahe ko sa mga kababayan dito sa lalawigan ay mag-celebrate ng New Year na ligtas at walang kapahamakan. Puwede naman nating ipagdiwang ang Bagong Taon na walang paputok… magkaroon tayo ng disiplina at pananagutan sa ating buhay,” ani Gonzalgo.
Tiniyak din ng pamunuan ng Rizal PNP na magiging mabilis ang pag-aksyon ng mga kapulisan na naka-deploy sa mga istratehikong lugar upang mapanatiling mapayapa ang pagpasok ng taong 2024. (Arnold Pajaron Jr)
