Photo credit: PNA
Tiniyak ng Malacañang sa publiko na may mas marami pang indibidwal na masasangkot at makukulong kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project, habang pinaigting ng gobyerno ang imbestigasyon sa mga kwestiyunableng imprastraktura sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, hindi titigil ang administrasyon sa mga naunang pag-aresto at mananatiling determinado ang pamahalaan na papanagutin ang lahat ng sangkot.
“More individuals linked to the flood control scandal will be thrown behind bars. The investigation does not end on Christmas Day,” pahayag ni Gomez.
Binigyang-diin ng Palasyo na simula pa lamang ang pagkakaaresto sa contractor-couple na sina Cezarah Discaya at Pacifico Discaya sa mas malawak na kampanya ng pananagutan. Si Cezarah Discaya ay inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng isang P96.5-milyong ghost flood control project sa Davao Occidental, habang si Pacifico Discaya naman ay ikinulong matapos ma-cite in contempt ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Gomez na may mga sektor na tumatawag na ngayon sa mag-asawa bilang “bagong Napoles,” patungkol kay Janet Lim-Napoles na nasangkot sa pork barrel scam. Aniya, kapuna-puna ang hindi maipaliwanag na yaman ng mag-asawa na umano’y “ten times over,” at binigyang-diin na sa kulungan ginugol ng mga ito ang Pasko.
Dagdag pa ni Gomez, mahigit apat na buwan pa lamang tumatakbo ang kasalukuyang imbestigasyon—mas maiksi kumpara sa halos isang taong imbestigasyon bago naaresto si Napoles noon.
“There will surely be more thrown behind bars in the New Year,” aniya.
Inulit ng Malacañang ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa transparency at accountability, lalo na sa paggastos ng pondo ng bayan para sa mga proyekto sa imprastraktura.
Patuloy rin ang panawagan ng publiko na ilabas at beripikahin ang umano’y “Cabral files” na sinasabing susi sa mas malawak na anomalya.
