MUKHANG mabagal ang ‘traffic’ ng kautusang “One Strike Policy” ni Col. Geovanny Emerick Sibalo, ang Batangas PNP Provincial director, laban sa mga illegal na sugal at paihi sa Batangas.
E bakit hindi?!
Aba hanggang ngayon ay sandamakmak pa rin ang iba’t ibang uri ng sugal diyan sa nasabing lalawigan, ‘courtesy’ by no other than alyas Aling Tessie, the Perya Queen of all time.
Yes! Col. Sibalo, baka hindi pa po ninyo alam, nagkalat pa rin ang iba’t ibang illegal numbers sa inyong nasasakupan.
May perya-sugalan si Aling Tessie sa Barangay Natumuan sa bayan ng San Jose na dinarayo dahil sa kanilang color games, beto-beto at iba pa.
‘E yung puwesto-pijo naman ni alyas Glenda sa Barangay Banaba sa Padre Garcia at sa Barangay Sto. Nińo sa San Pascual, hindi pa ba naririnig ni Col. Sibalo ‘yan?!
Habang si Baby Tomboy naman ay sa Poblacion 3 sa Nasugbo at A. Mabini Avenue sa Tanauan City.
Ayon sa bubwit ng Berdugo, pinasara na raw ‘yang mga perya-sugalan na ‘yan pero binuksang muli matapos maghanap ng padrino si Aling Tessie. Araykupo!
Sa magkano este sa papaanong dahilan?!
Sandamakmak din ang saklang patay nina Tisoy at Nonit sa Padre Garcia na halos ilang buwang pinaglalamayan ang mga bangkay na hindi natubos sa mga punenarya.
How about paihi ni alyas Joel na matatagpuan sa Barangay Payapa sa Nasugbo; Barangay Salong sa Calaca; Barangay Nagsaulay at Barangay Subukin sa San Juan, hindi ba’t delikado ‘yan para sa mga Batangueño na anumang oras puwedeng maging sanhi ng sunog?
Mukhang ‘mahina’ si Col. Sibalo sa mga bossing ng iba’t ibang municipal police sa Batangas.
Col. Geovanny Emerick Sibalo, mukhang kulang kayo sa pagpaparamdam…
E magpakilala nga kayo, nang maramdaman naman ang bagsik ninyo!
***
Kung mayroon kayong sumbong, reklamo o anumang suhestiyon ay mag-text o tumawag lamang sa numerong CP#09999861197 o mag-email sa arnoldpajaronjr1989@gmail.com
