HINIKAYAT ni Senador Lito Lapid ang mga kabataang estudyante ng Pampanga State University (PSU) na magsikap at magtiyaga sa pag-aaral para umangat mula sa kahirapan ng buhay.
Ibinahagi ni Lapid na gusto man nya na magtapos sa pag-aaral noon ay hindi nya nagawa dahil anak lang siya ng labandera at stuntman.
Hindi makalimutan ni Lapid na wala syang pambaon at pamasahe para makapag-aral sa kolehiyo kaya hanggang high school lang ang natapos nya.
Ginawa ni Lapid ang pahayag sa kanyang talumpati sa pamimigay ng mga multi-disciplinary books at materials sa mga estudyante ng Pampanga State University nitong Miyerkoles, Nov. 26.
Si Senador Lapid ang awtor sa conversion ng Pampanga State University mula sa dating Don Honorio Ventura State University (DHVSU).
Sinabi rin ni Lapid na makatutulong sa mga estudyante ang ibinigay na mga aklat ng mga opisyal ng Senado para sa paglilinang ng kanilang kaalaman.
Higit 40,000 estudyante ang nag-aaral ngayon sa P-S-U. (Florante Rosales)
