November 24, 2024

Masbate earthquake! Retiradong pulis nilamon ng gumuhong bahay

PATAY ang isang retiradong pulis matapos yanigin ng magnitude 6.6 na lindol ang bayan ng Catagingan sa Masbate ngayong umaga.

Ilang bahay at iba pang mga istruktura ang nawasak dahil sa lakas ng lindol.

Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang nasawi na si Gilbert Sauro nang mabagsakan ng gumuho ng bahagi ng kanyang bahay sa Sitio Alimango sa Barangay Concepcion.

Patuloy na makararanas ng malalakas na aftershock ang Luzon at Visayas matapos maramdaman ang 6.6 magnitude na lindol na tumama kaninang alas-8:30 ng umaga.

Naramdaman ang intensity 7 na lakas ng lindol sa Cataingan kung saan ayon sa kategorya ng Phivolcs na “destructive” ito. Naitala rin ang epicenter ng pagyanig sa layong pitong kilometro timog-silangan ng Cataingan.

Kasama sa napinsala ng lindol ang mga daan maging ang palengke sa Cataingan.

https://www.facebook.com/phredcross/posts/4890758110949559

Ayon kay Isaias Bigol, Jr. of Masbate City’s Disaster Risk Reduction Management Office sa interbyu sa CNN Philippines na napinsala ang palengke sa bayan at marami rin ang sugatan.

Dagdag pa ni Bigol na magpupulong ngayon ang Local Government Unit para alamin ang susunod na hakbang para maayudahan ang mga residente ng Cataingan.

Nitong hanggang alas-11 ng umaga, nakapagtala na ang Phivolcs ng 21 aftershocks. Wala namang tsunami threat.