Ang ulat ng CRI ay nagbubunyag ng mapait na katotohanan: habang ang nickel mula Caraga ay tumutulong sa global green transition, ang mga lokal na komunidad naman ay nagdurusa sa gutom, polusyon, at kawalan ng hustisya.
Dinagat Island, Surigao del Sur — Habang patuloy na tumataas ang pandaigdigang pangangailangan sa nickel bilang alternatibong enerhiya para sa electric vehicles (EVs) at energy storage, nagdurusa naman ang mga komunidad sa Caraga Region, ayon sa ulat ng Climate Rights International (CRI).
Sa ulat ng CRI na pinamagatang “Broken Promises: Philippines Nickel Mining Causes Rights Abuses and Increases Climate Vulnerability” noong Nobyembre 3, lumalabas na ang 23 aktibong nickel mines sa rehiyon ay nagdudulot ng malawakang pagkasira ng kalikasan, paglabag sa karapatang pantao, at pagkasira ng kabuhayan ng mga mangingisda at magsasaka.
Ayon sa grupo, ang Pilipinas ang pinakamalaking exporter ng raw nickel ore sa buong mundo, at ikalawang pinakamalaking producer ng nickel, isang mahalagang sangkap sa paggawa ng baterya ng mga de-kuryenteng sasakyan.
Batay sa panayam ng CRI sa 57 residente at manggagawa sa Dinagat Island at Surigao del Sur, lumitaw ang mga reklamo ng pagkawasak ng sakahan at palaisdaan, polusyon sa inuming tubig, pagtaas ng gutom at kahirapan, at pananakot, pagpatay, at kriminalisasyon sa mga aktibistang lumalaban sa pagmimina.
“Ang nickel mining sa Pilipinas ay sumisira sa kabuhayan, nagdudulot ng gutom, at nagpaparumi sa tubig. Pinapatay o tinatakot pa ang mga tagapagtanggol ng kalikasan,” ayon kay Krista Shennum, mananaliksik ng CRI.
Dahil sa pagmimina, nawawasak ang kagubatan at mga bakawan na nagsisilbing proteksyon laban sa matinding bagyo.
Sa Tubajon, Dinagat Island, inilarawan ng mga residente kung paanong ang pagkawala ng mga puno ay nagdulot ng mas matinding storm surge at pagbaha, lalo na nang manalasa si Super Typhoon Odette noong 2021.
Ayon sa mga mangingisda, nalason at nasiltan ang mga katubigan, dahilan ng pagkasira ng kanilang hanapbuhay.
Samantala, ang mga palayan at taniman ay nalulubog sa putik at polusyon, dahilan upang mahirapan silang makapagtanim at makapag-ani.
“It’s now hard to feed my family. We are hungry most of the time,” ani Analiza, 46-anyos na ina mula Tubajon.
Tinukoy din ng CRI na ang Pilipinas ang pinakamapanganib na bansa sa Asya para sa mga environmental defenders.
Maraming aktibista at residente ang pinapaslang, tinatakot, o sinasampahan ng mga kasong SLAPP (Strategic Lawsuits Against Public Participation) upang patahimikin.
Dagdag pa rito, marami umanong kompanya ng nickel mining ang konektado sa mga politiko at mayayamang negosyante, na nagbebenepisyo sa pagmimina habang hindi binabayaran nang patas ang mga residente sa nasirang lupa, bahay, at kabuhayan.
Hinimok ng CRI ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Mines and Geosciences Bureau (MGB) na itigil muna ang paglalabas ng bagong mining permits hangga’t hindi natutugunan ang mga pambansa at pandaigdigang pamantayan sa kalikasan at karapatang pantao.
Nanawagan din ito sa mga kompanyang gumagawa ng EVs at baterya na gamitin ang kanilang impluwensya upang pwersahin ang mga supplier na ayusin ang pinsalang dulot ng pagmimina.
“Kung gusto ng mga EV companies na manguna sa laban kontra climate change, dapat nilang siguruhing ang kanilang nickel supply chain ay hindi galing sa pagwasak ng komunidad at kalikasan,” diin ni Shennum.
