Isinusulong ni Sen. Erwin Tulfo ang habambuhay na bisa ng PWD IDs. Ito’y walang renewal, walang abala, tanging ginhawa at respeto para sa mga Pilipinong may kapansanan. (ARSENIO TAN)
MAY magandang balita para sa ating mga kababayang may kapansanan (PWDs).
Isinusulong ngayon ni Senator Erwin Tulfo ang panukalang gawing habambuhay na balido ang mga PWD identification cards (IDs), sa ilalim ng kanyang inihaing Senate Bill No. 1405 na nag-aamyenda sa Republic Act No. 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disability.”
Ayon kay Tulfo, na kasalukuyang pinuno ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, layon ng panukala na tanggalin ang expiration ng PWD IDs at gawing libre ang pag-iisyu nito upang mapagaan ang pasanin ng mga may kapansanan.
“Kapag nag-e-expire ang PWD ID, kailangan pa nilang pumila, gumastos sa pamasahe, at maglaan ng oras at lakas para mag-renew—samantalang sila na nga itong hirap sa kalagayan,” paliwanag ni Tulfo.
“Ang ID na ito ay napakahalaga dahil dito nakabatay ang mga benepisyo nila. Kung may expiry, para mo na ring tinanggal ang akses nila sa tulong na nakasaad sa batas,” dagdag pa niya.
Kasama sa mga benepisyong nakapaloob sa Magna Carta for Persons with Disability ang 20% diskwento sa mga produkto at serbisyo, pati na rin pantay na oportunidad sa edukasyon at trabaho.
Binigyang-diin pa ni Tulfo na dapat pagaanin ng pamahalaan ang buhay ng mga PWDs sa halip na dagdagan pa ang kanilang dinadala.
“Ang panukalang ito ay maliit ngunit makabuluhang hakbang tungo sa pagpapakita ng respeto sa mga karapatan ng PWDs, sa pagpapagaan ng kanilang pasanin, at sa pagpapahusay ng serbisyo publiko,” giit ng senador.
Kapag naisabatas, ang hakbang na ito ay magbibigay ng pangmatagalang ginhawa sa libo-libong PWDs sa buong bansa na madalas ay nahihirapan sa pagproseso ng renewal ng kanilang ID. (ARSENIO TAN)
