PORMAL nang lumagda ang Pilipinas sa United Nations Convention against Cybercrime, isa sa mga unang bansa sa buong mundo na sumali sa kasunduang nagtataguyod ng pandaigdigang kooperasyon laban sa cybercrime at kumikilala sa non-consensual distribution of intimate images o pagpapakalat ng pribadong larawan nang walang pahintulot bilang isang krimen.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), pinangunahan ni DICT Secretary Henry Aguda ang delegasyon ng Pilipinas sa paglagda sa kasunduan na ginanap sa Ha Noi, Vietnam nitong Oktubre 25–26, 2025.
“Throughout the negotiations, the Philippines advocated for stronger safeguards to protect children online, greater technical assistance for developing nations, and a balanced approach between effective law enforcement and the protection of human rights and privacy,” ayon sa pahayag ng DICT.
Batay sa tala ng United Nations, saklaw ng bagong kasunduan ang iba’t ibang uri ng cybercrime, kabilang ang cross-border sharing ng electronic evidence at ang pagtatatag ng 24/7 international cooperation system upang mapabilis ang pagtugon sa mga kaso.
Ang UN Cybercrime Convention rin ang kauna-unahang pandaigdigang kasunduan na kumikilala sa non-consensual sharing ng intimate images bilang krimen, isang malaking hakbang para sa mga biktima ng online sexual abuse.
“This is Digital Bayanihan in action, where nations, institutions, and communities work hand in hand to secure our shared digital future,” pahayag ni Aguda.
Sa mensaheng inihanda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., binigyang-diin ng Punong Ehekutibo ang determinasyon ng Pilipinas na palakasin ang pandaigdigang kooperasyon laban sa mga modernong cyber threats at isulong ang tiwala, pananagutan, at karapatang pantao sa digital na panahon.
Patuloy naman daw na pinalalakas ng DICT ang cyber resilience ng bansa sa pamamagitan ng mga programa gaya ng Oplan Cyberdome, na layong magbigay ng proactive cyber defense at mabilis na incident response, at Oplan Paskong Sigurado, na naglalayong magpataas ng kamalayan ng publiko laban sa online scams tuwing panahon ng Kapaskuhan.
Ang UN Convention against Cybercrime ay inaprubahan ng UN General Assembly noong Disyembre 2024 matapos ang limang taong negosasyon.
“The UN Cybercrime Convention is a powerful, legally binding instrument to strengthen our collective defences against cybercrime,” pahayag ni UN Secretary-General António Guterres sa seremonya ng paglagda.
“It is a testament to the continued power of multilateralism to deliver solutions. And it is a vow that no country, no matter their level of development, will be defenceless against cybercrime,” dagdag pa niya.
