KAGAYA ng matataas na opisyal ng mga nakaraang administrasyon, ang ospital ay kanilang naging kanlungan sa panahon ng kagipitan.
Noong Lunes, ang kontrobersiyal na si dismissed Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan Henry Alcantara ay dinala rin sa ospital dahil sa pananakit ng dibdib habang nasa kustodiya ng Senado.
Ayon kay Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) Police Major Gen. Mao Aplasca, agad na inilipat si Alcantara sa Pasay Medical Center para isailalim sa ECG at iba pang pagsusuri.
“He complained of chest discomfort. So to check, he was brought to Pasay Medical Center for ECG and other confirmatory tests. But it was ruled only as muscle spasm,” pahayag ni Aplasca sa mga mamamahayag nitong Miyerkules.
Matapos ang halos dalawang oras ng pagsusuri, ibinalik si Alcantara sa Senate detention facility.
“He is very much normal up to today, and every day the Senate medical team is conducting regular checkups on all our detainees to monitor their status,” dagdag ni Aplasca.
Si Alcantara ay kabilang sa apat na mga idinetine ng Senado kaugnay ng flood control projects scandal, kasama sina dating DPWH engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, at kontraktor Pacifico “Curlee” Discaya.
Ang apat ay iniimbestigahan sa umano’y malawakang katiwalian sa mga proyekto sa imprastraktura, partikular na sa mga flood control initiatives na sinasabing ginamit para sa kickbacks at ghost projects.
Kabilang sa mga umano’y sangkot na personalidad sa kontrobersiya sina dating Senate President Francis Escudero at Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, na iniimbestigahan din sa umano’y pagtanggap ng milyon-milyong pisong kickbacks kapalit ng mga proyekto.
Patuloy ang imbestigasyon ng Senado at ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa naturang anomalya, na tinaguriang isa sa pinakamalaking korapsyon scandal sa imprastraktura sa kasaysayan ng bansa.
