MULING nakatikim ng batikos ang mga referee ng UAAP men’s basketball matapos ang overtime loss ng UE Red Warriors kontra De La Salle Green Archers, 111-110, nitong Martes.
Ito na ang ikatlong beses sa loob lamang ng pitong araw na isang head coach ang umalma sa mga tawag ng mga game officials.
Matapos ang laro, hindi napigilang ilabas ni UE head coach Chris Gavina ang galit sa officiating na aniya’y “disservice” sa ganda ng kompetisyon.
“I hope these three referees never go back again in any of our games. It was a complete disservice for the outcome of this game, and the beauty of the competition was taken away,” mariing pahayag ni Gavina sa isang rant na puno ng emosyon.
Ayon sa kanya, hindi siya nag-iisa sa ganitong sentimyento:
“It’s not just me. I’m not the first coach who said it all week long.”
Nauna nang bumatikos noong Sabado, Oktubre 11, si Ateneo head coach Tab Baldwin, na tinawag na “disgusting” ang officiating matapos ang triple-overtime loss nila sa UST Growling Tigers.
Sumunod naman kinabukasan, Oktubre 12, si NU coach Jeff Napa, na nagsabing dapat umanong mag-seminar muli ang mga referee matapos ang kanilang dikit na panalo kontra La Salle.
Para kay Gavina, ang mitsa ng kanyang galit ay ang unsportsmanlike foul na itinawag kay Wello Lingolingo sa ika-4:20 minuto ng ikaapat na quarter. Naitapon sa laro si Lingolingo matapos bumagsak sa tuhod ni La Salle guard Kean Baclaan sa isang loose-ball play, na kalauna’y na-stretcher palabas ng court.
“You call an unsportsmanlike on one of our best players on a loose ball? I watched the video — everyone’s going for the ball. Call a regular foul!” giit ni Gavina.
Bago siya ma-eject, nagtala si Lingolingo ng 24 puntos, kabilang ang 15 points sa unang quarter.
Nanguna ang UE ng hanggang 21 puntos, ngunit bumawi ang Green Archers sa huling yugto at overtime para maagaw ang panalo. Dahil dito, nanatiling winless ang Red Warriors sa anim na laro ngayong season, at 12 sunod na talo na simula pa noong Season 87.
“Yes, we squandered a 21-point lead. But hold these refs accountable. I’m tired of it,” dagdag pa ni Gavina. “They’re supposed to be the best of the best? Hell no. It took away our effort.”
Nagpatuloy pa siya sa panawagan ng accountability para sa mga referees:
“We talked about leaving the outcome of these games to the players. But what’s happening? There are three idiots on the floor. How are these refs going to be held accountable? That’s what I want to know.”
Sa ngayon, wala pang pahayag ang UAAP officiating committee kaugnay sa mga reklamo ng mga coaches, ngunit patuloy na dumarami ang panawagang repasuhin ang pamantayan ng officiating sa liga.
