INAMIN ng Commission on Audit (COA) nitong Lunes na ang kakulangan ng mga tauhan, lalo na sa unang distrito ng Bulacan, ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi agad na-flag ang mga diumano’y “ghost” at substandard na flood control projects sa nasabing lalawigan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa panukalang 2026 budget ng COA, sinabi ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba na dalawang auditor lamang ang nakatalaga sa 1st District Engineering Office ng Bulacan, kung saan natuklasan ang ilan sa pinakamalalaking iregularidad sa mga proyekto ng flood control.
“Ang amin pong napansin, kailangan po namin ng tulong dahil kulang po talaga kami sa tauhan. Ang pinaka-epicenter po ng mga nangyaring iregularidad ay sa 1st District Engineering Office ng Bulacan. Nang aming suriin, halos 20% ng kabuuang halaga ng proyekto ay nasa Region 3, at halos kalahati nito ay sa Bulacan,” paliwanag ni Cordoba.
Ayon pa sa kanya, ang dalawang auditor sa nasabing distrito ay nakakasakop ng 11 bayan, tatlong lungsod, at walong tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).
“Bumaba po kasi ang aming bilang ng mga posisyon dahil nabawasan kami ng DBM,” dagdag pa niya.
Bilang tugon, nagsagawa ang COA ng fraud audit sa mga kahina-hinalang proyekto ng flood control na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan.
Ayon kay Cordoba, nakapagsumite na ang COA ng 21 fraud audit reports, walo rito ay naipadala na sa Office of the Ombudsman, habang ang ilan naman ay isinumite sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).
“’Yung una naming walo na sinumite ay naging basehan ng administratibong suspensyon ng mga empleyado at personnel ng DPWH sa 1st District ng Bulacan,” ani Cordoba.
Kabilang sa mga opisyal ng DPWH na sangkot sa flood control scandal ay sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza, pawang mga tinanggal sa serbisyo at kasalukuyang nasa kustodiya ng Senado matapos i-cite in contempt ng Blue Ribbon Committee noong nakaraang buwan.
