PORMAL nang nanumpa kahapon, Oktubre 9, 2025, si Atty. Nicasio A. Conti bilang bagong Undersecretary for Planning and Public-Private Partnerships ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pinangunahan ni Secretary Vince Dizon ang panunumpa ni Conti, kasama si Undersecretary Arrey Perez, sa isang simpleng seremonya sa tanggapan ng DPWH.
Si Conti, dating Commissioner ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), ang pumalit kay Maria Catalina “Cathy” Cabral, na nagbitiw matapos masangkot sa isyu ng umano’y insertion ng mga proyekto sa panukalang 2026 national budget ng DPWH.
Matatandaang inakusahan si Cabral na tinawagan ang staff ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, upang magtanong kung mayroong nais na ipalagay na pondo ang senador para sa proyekto sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
Sa mga nakaraang pagdinig sa Kongreso, inamin pa ni Cabral na halos kalahati ng taunang pambansang budget proposal ng ehekutibo ay napupunta sa mga proyektong pinipili ng ilang mambabatas, kabilang na ang tinatawag na “leadership fund” para sa mga pinuno ng Kongreso.
Sa isang press conference, sinabi ni Dizon na agad niyang inatasan si Conti na busisiin at baguhin ang sistema ng programming at budgeting ng ahensya upang matuldukan ang mga iregularidad.
“’Yan ang una kong bilin kay Undersecretary Nick Conti — aralin, repasuhin, at baguhin nang buo ang formula na ginagamit ngayon,” ani Dizon.
Ibinahagi rin ng kalihim na maging siya ay nalito sa kasalukuyang sistema ng paglalaan ng pondo ng DPWH.
“Noong ipinaliwanag sa akin ni dating Undersecretary Cabral ang tungkol sa allocable, non-allocable, at kung anu-ano pang formula, hindi ko maintindihan. May degree ako sa economics at finance pero wala akong na-gets,” ani Dizon.
Dagdag pa niya, bahagi ito ng malawakang reporma na isasagawa ng DPWH sa mga susunod na buwan upang maging mas malinaw, transparent, at epektibo ang paggugol ng pondo.
Gayunman, inamin ni Dizon na hindi na nila nagawang repasuhin ang kabuuang 2026 budget dahil kulang sa panahon bago ito maisumite sa Kongreso.
“Isang linggo lang ang ibinigay sa amin para ayusin iyon — imposibleng matapos. Ang tanging nagawa ko ay alisin ang mga flood control at duplicate projects,” paliwanag ni Dizon, na itinalaga lamang noong Agosto.
Binigyang-diin ni Dizon na sisimulan nila ang mas malalim na pagbabago sa budget programming ng DPWH para sa 2027, bilang bahagi ng kampanya laban sa katiwalian at “pork insertions.”
“Hindi na puwedeng magpatuloy ito,” mariing pahayag ni Dizon. (MINA PADERNA)
