NILAHUKAN ng Manila Electric Company (Meralco), sa pangunguna ni Manuel V. Pangilinan, at ng One Meralco Foundation (OMF) ang pagbibigay ng kuryente sa 169 tahanan mula sa anim na barangay sa Novaliches, Quezon City sa pamamagitan ng kanilang Household Electrification Program.
Ang milestone ay ginanap sa isang lighting ceremony na dinaluhan ng mga opisyal mula sa Meralco, kabilang sina John Paul D. Bunag, Valenzuela Sector-Logistics Team Lead; Abraham Eñeres, Valenzuela Sector Manager; Sante Buella, Head of North Distribution Services; at Jeffrey O. Tarayao, OMF President at Meralco Chief CSR Officer.
Kasama rin ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, kabilang sina Cong. Rodolfo “Ompong” Ordanes, Senior Citizen Partylist Representative, at Cong. Patrick Michael Vargas, Quezon City 5th District Representative, pati na rin ang mga barangay captain ng Nova Proper at Nagkaisang Nayon.
Ayon sa mga residente, ang programa ay nagdudulot ng ligtas at maasahang suplay ng kuryente, na hindi lamang nagbibigay-liwanag sa kanilang mga tahanan kundi nagbubukas din ng mas maraming oportunidad para sa kanilang pamilya at komunidad.
Pinapakita ng inisyatibang ito ng Meralco at OMF ang kanilang patuloy na pangako sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga programang pangkomunidad. (MINA PADERNA)
