Nanawagan ng malawakang repormang pampulitika ang National Union of Cooperatives (NUC) nitong Miyerkules, kasabay ng babala na patuloy na banta sa demokrasya ang talamak na korapsyon at ang malalalim na ugat ng mga political dynasty.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, chairman ng NUC, ang bagong tatag na organisasyon ngayong taon ay kumakatawan na sa 8,000 primary cooperatives, 20,000 organisasyon, at 12 milyong miyembro sa buong bansa.
“Tutol kami sa ayuda. Hindi kami naniniwala sa ayuda system. Tutol kami sa political dynasty,” giit ni Pascual, na iginiit na dapat bigyang-lakas ang mga Pilipino sa pamamagitan ng oportunidad at hindi ng patronage politics.
Hinimok din ng NUC ang Kongreso na ipasa na ang Anti-Political Dynasty Law, ayusin ang party-list system upang muling maituon ito sa mga tunay na marginalized sector, at wakasan ang paggamit ng mga ayuda at programang panlipunan bilang sandata sa pulitika.
“Ang pinakamabisang paraan ng pagbabago ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng boto. Mayroon nang malawak na kilusan para sa 2028 national at presidential elections,” ani Pascual.
Samantala, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang ilang batas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), dahilan upang maantala ang nakatakdang halalan sa rehiyon. (ART TORRES)
