Kahit ang malayong lalawigan ng Batanes ay hindi pinatawad ng hagupit ng Bagyong Nando matapos nitong sirain ang bahagi ng kalsada sa Barangay Itbud, Uyugan.
Nagulat din mismo ang ilang dumadaan sa nasabing kalsada dahil matapos ang malakas na ulan at pagguho, lumitaw ang kahinaan ng daan sapagka’t napag-alaman na wala man lang kahit isang bakal na makikitang nakabaon sa nasirang bahagi.
“Kahit Batanes hindi pinatawad!!Kalikasan na mismo ang bumuking. After typhoon Nando. Wala man lang kahit isang bakal,” ayon sa Facebook post ni Marites ng New Zealand.
Gayunpaman, agad na rumesponde ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Batanes District Engineering Office at tinabunan ng lupa ang apektadong bahagi ng kalsada upang maging madaanan.
Layunin ng hakbang na ito na mapabilis ang paghatid ng tulong sa Barangay Imnajbu, Uyugan, at masiguro rin ang ligtas na biyahe ng mga motorista.Bagama’t pansamantala lamang ang solusyon, tiniyak ng DPWH na tuloy-tuloy ang kanilang aksyon upang ganap na maayos ang kalsada na sinira ng bagyo. (MINA PADERNA)
