NAKATAKDANG magbukas ang NCAA Season 101 sa Oktubre 1 sa Smart Araneta Coliseum, tampok ang bagong format para sa men’s basketball tournament.
Inanunsyo ng NCAA Management Committee ang pagbabago sa press conference nitong Lunes sa Novotel Manila, Quezon City.
Mula sa dating double round-robin eliminations, hahatiin na ang sampung koponan sa dalawang grupo. Ang bawat team ay makakalaban ng dalawang beses ang nasa parehong grupo at isang beses naman ang nasa kabilang grupo, para sa kabuuang 13 laban sa eliminations.
Ayon sa format, ang top three teams sa bawat grupo ang awtomatikong uusad, habang ang nasa ibabang puwesto ay maglalaban para sa huling dalawang silya sa quarterfinals. Dito magsisimula ang crossover knockout phase, kung saan may twice-to-beat advantage ang top two ng bawat pool.
Sa semifinals, magtatagisan ang apat na natitirang koponan sa best-of-three series upang makapasok sa finals.
“Ang kagandahan ng bagong format ay may pagkakataon ang lahat. Kitang-kita rin sa pre-season na lahat ng teams ay lumakas,” pahayag ni San Beda coach Yuri Escueta.
Binubuo ang Group A ng defending champion Mapua, Lyceum, Perpetual Help, San Sebastian, at Arellano. Sa Group B naman kabilang ang San Beda, College of St. Benilde, Letran, Jose Rizal University, at Emilio Aguinaldo College. (RON TOLENTINO)
