NANAWAGAN ang mga grupong Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) at Kontra Baha, Kontra Kurakot Network na ipaliwanag nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangalawang Pangulo Sara Duterte ang umano’y ugnayan nila sa mga kontratista, matapos ang inilabas na ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ).
Ayon sa convenor na si David San Juan, dapat magpatotoo ang dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, gayundin ang iba pang matataas na opisyal na binanggit sa ulat, hinggil sa kanilang mga campaign contributors at ang mga pabor na umano’y natanggap ng mga ito matapos silang mahalal.
“Walang dapat itago. Dapat ay maging tapat at malinaw sila kung sinu-sino ang kanilang mga tagapagpondo at kung ano ang naging kapalit nito,” pahayag ng grupo.
Kasabay nito, nanawagan din ang mga organisasyon na agarang ilabas ng lahat ng mga halal na opisyal at miyembro ng pamahalaan, kabilang ang mga nasa Gabinete, Senado, Kamara, Korte Suprema at Court of Appeals, ang kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs) at pumirma ng bank waivers.
“Obligasyon ito ng mga opisyal ng gobyerno batay sa Konstitusyon. Ito ang pinaka-basic na dapat nilang gawin,” giit ng pahayag.
Dagdag pa ng grupo, ang mga tatanggi o iiwas ay “walang kredibilidad na magsalita laban sa korapsyon o mangako ng reporma.”
Tinuligsa rin ng alyansa ang mga pahayag na ang mga protesta sa Luneta at EDSA ay dapat mauwi sa pagpili ng mga mamamayan sa pagitan ng mga pulitiko.
“Hindi ang taumbayan ang dapat pumili kung sino ang mas pipiliin sa kanila. Ang mga pulitiko ang dapat pumili: ilalabas ba nila ang SALN o hindi? Pipirma ba sila ng bank waiver o hindi? Maging tapat at accountable ba sila, o hindi?” saad ng grupo.
Binigyang-diin ng TAMA NA at Kontra Baha, Kontra Kurakot Network ang prinsipyo ng Konstitusyon: “Public office is a public trust.”
