Larawan mula sa Kapuso Mo, Jessica Soho
Ibinunyag ng komedyanteng si Ate Gay na siya ay may stage 4 cancer, ayon sa ulat ng programang Kapuso Mo, Jessica Soho.
Ayon kay Ate Gay, una niyang napansin ang sintomas na tila pamamaga sa mukha na inakala niyang simpleng sakit. Sumailalim siya sa ultrasound at CT scan kung saan unang lumabas na benign o hindi cancerous ang bukol. Gayunpaman, matapos mag-second opinion, nakumpirma ang mas malalang kondisyon.
“May show ako sa Canada, medyo lumalaki na siya. At saka nagbi-bleed nang nagbi-bleed… Mahirap ngayon ang lagay ko. May kanser ako, stage 4 daw,” pahayag ni Ate Gay.
Dagdag pa niya, sinabi ng mga doktor na wala nang lunas at hindi na siya maaring operahan. Ayon sa prognosis, posibleng hindi na siya makalampas ng 2026.
“Wala raw lunas. Masakit sa akin. Halos araw-araw umiiyak ako. Hindi naman ako nagkulang kay Lord. Although lagi kong sinasabi na walang himala,” emosyonal na paglalahad ng komedyante.
Sa kabila ng mabigat na diagnosis, nananawagan si Ate Gay ng panalangin at suporta mula sa publiko.
“Kailangan ko po ng dasal. Kailangan ko po ng lakas at sana po makayanan ko ang araw-araw kong buhay sa ngayon,” aniya.
Matatandaang noong 2021, muntik na ring bawian ng buhay si Ate Gay matapos ang matinding laban sa pulmonya.
