November 23, 2024

469 na ang namatay sa COVID-19 sa CAMANAVA

NADAGDAGAN ng tatlo ang patay sa COVID-19 sa Malabon City Agosto 14 kaya’t umakyat na sa 134 ang binawian ng buhay dahil sa nasabing sakit .

Ayon sa City Health Department, ang binawian ng buhay mula sa Barangay Potrero (1), Tinajeros (1), at ang isa ay buhat sa labas ng lungsod.

Samantala, 55 ang nadagdag na confirmed cases at sa kabuuan ay 2,638 ang positive cases, 473 dito ang active cases.

Sa kabilang banda, 32 katao ang nadagdag sa bilang ng mga pasyenteng gumaling at sa kabuuan ay 2,031 ang recovered patients sa siyudad.

 Sa katabi namang lungsod ng Caloocan ay 3,522 na ang nagpopositibo sa nasabing sakit ayon sa ulat ng Caloocan Health Department noong  Agosto 13.

 Sa bilang na ito, umabot na sa 1,757 ang nakarekober habang 143 na ang namamatay.

 Hanggang alas -10 naman ng gabi ng Agosto 12 sa Valenzuela City ay 3,005 na ang COVID positive sa lungsod.

Ang active cases sa lungsod ay 1,335, habang 1,584  na ang nagpopositibo at 86 na ang namamatay.

Pagdako naman sa Navotas, hanggang 8:30 pm ng Agosto 13 ay 3,522 na ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19.  Dito, 1,444 ang active cases, 1,972 na ang nakarekober at 106 na ang namatay.

Kaugnay nito, sa ulat ng Navotas City Police 5 pm ng Agosto 14, umabot na sa 1,719 ang mga nahuling lumabag sa ipinatutupad na mga safety measures para maging protektado sa COVID-19 ang lungsod.

 Sa bilang na ito, 1,448 ang hindi nagsuot ng face mask o hindi tama ang pagkakasuot nito, 100 ang lumabag sa curfew, at 171 ang nakikipagkumpulan at ‘di sumunod sa 1-2 metrong physical distancing.