Pinangunahan ni DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., kasama ang mga opisyal mula sa DILG, DOTr, LTFRB at LGU, ang paglulunsad ng ₱20 “Benteng Bigas, Meron Na” project para sa transport sector sa Kadiwa Center ng Bureau of Animal Industry, Quezon City, Setyembre 16, 2025. (Kuha ni ART TORRES)
Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang dapat ipangamba ang publiko dahil sagana ang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) para sa P20 rice program na inilunsad para sa transport sector.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., dagsa ang bigas sa mga bodega ng NFA kaya’t kailangan na itong ilabas.
Target ng ahensya na maglabas ng 1,000 tons ng bigas kada araw ngayong Oktubre, na itataas pa sa 2,000 tons sa Nobyembre at aabot sa 3,000 tons kada araw sa Disyembre.
“Importante ang murang bigas program para maibsan ang imbentaryo ng NFA at sabay matulungan ang ating mga magsasaka na maibenta ang kanilang ani,” diin ni Laurel.
Dagdag pa niya, bibilis pa ang paglabas ng murang bigas kapag mas pinalawak ang mga outlet ng P20 rice, lalo na sa hanay ng mga tsuper at transport workers.Sa ngayon, nasa 57,000 katao na ang unang nakikinabang sa bentahan ng murang bigas at inaasahan pang madadagdagan habang palaki nang palaki ang saklaw ng programa. (ART TORRES)
