INAMIN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakikiisa siya sa galit ng publiko sa umano’y katiwalian sa flood control projects, at sinabing kung hindi lamang siya ang nakaupo bilang pangulo ay baka nakikilahok din siya sa mga kilos-protesta.
“Of course, they are enraged. Of course, they are angry. I am angry! We should all be angry! Because what’s happening is not right,” pahayag ng Pangulo sa press conference sa Malacañang nitong Lunes, Setyembre 15.
Kasabay ng mga naglalakihang kilos-protesta laban sa katiwalian, kabilang na ang nakatakdang Trillion Peso March sa Setyembre 21, sinabi ng Pangulo na nauunawaan niya ang panawagan para sa hustisya at pananagutan.
“Do you blame them for going out into the streets? … I want to hold these people accountable, just like they do. So I don’t blame them. Not one bit,” dagdag niya.
Hinikayat ni Marcos ang publiko na ipahayag ang kanilang saloobin, ngunit nanawagan na panatilihin ang mapayapang pamamaraan.
“Sigawan ninyo, lahat gawin ninyo, mag-demonstrate — just keep it peaceful,” aniya.
Nagbabala rin ang Pangulo na mapipilitan ang kapulisan na kumilos sakaling mauwi sa karahasan ang mga kilos-protesta, tulad ng nangyari sa ibang bansa gaya ng Nepal at Indonesia.
Binigyang-diin naman ng Malacañang na iginagalang ni Marcos ang kalayaan ng mamamayan na magpahayag, ngunit umaasa na hindi ito maimpluwensyahan ng mga grupong naglalayong manggulo o magdulot ng destabilisasyon.
Ang mga protesta ay sumiklab matapos ilabas ang Executive Order No. 94 na bumuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang imbestigahan ang mga iregularidad sa flood control at iba pang proyekto.
Tiniyak ni Marcos na ang ICI ay “ganap na independent.” (BOYET BARBA JR)
