Iba’t ibang progresibong grupo, kabilang ang mga lider relihiyoso, nagtipon para sa isang photo-op matapos ang press conference sa Max’s Restaurant, Quezon City nitong Lunes, Setyembre 15, 2025. Inanunsyo nila ang planong malaking mobilisasyon sa darating na Setyembre 21 upang tutulan ang umano’y anomalya sa flood control projects at malawakang korapsyon sa pamahalaan. (Kuha ni Art Torres)
HIGIT 200 sektor at simbahan ang magsasagawa ng magkakahiwalay na kilos-protesta sa Metro Manila sa Setyembre 21 upang kundenahin ang umano’y malawakang katiwalian sa mga proyektong flood control ng pamahalaan.
Ayon sa organizers, sabay na idaraos ang mga pagtitipon sa Rizal Park sa Maynila (9 a.m.) at sa EDSA Shrine sa Quezon City (2 p.m.) bilang bahagi ng “Trillion Peso March” (TPM).
Ang protesta ay kasabay ng paggunita sa ika-53 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar noong 1972 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang Pangulo.
“‘Yung brazenness ng katiwalian, sobrang naging halata nitong mga nakaraang linggo kaya maraming naghahanap ng espasyo para magprotesta,” pahayag ni TPM spokesperson Francis Aquino Dee.
Tinatayang aabot sa 15,000 ang makikilahok sa EDSA Shrine, bukod pa sa mga sabayang pagkilos sa Negros, Cebu, Cagayan de Oro, Baguio, at Bohol.
Dagdag pa ni Dee, magtitipon ang mga grupo sa People Power Monument dakong 2 p.m. sa parehong araw. Nakipag-ugnayan na rin aniya ang organizers sa LGU ng Quezon City at Maynila para sa seguridad at permit.
Ilan sa mga panawagan ng mga grupo ay pag-aresto at pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa flood control anomaly; pagbawi ng mga nakaw na yaman gaya ng luxury cars at designer items; abolisyon ng pork barrel at confidential/intelligence funds; pagbubukas ng SALN at pagbabasura ng bank secrecy law para sa mga opisyal ng gobyerno; pag-ban sa mga kontraktor at supplier na may kaugnayan sa katiwalian; pag-alis sa ‘small group’ sa Kongreso; at pagbabawal sa political dynasties at bulok na sistema sa pamahalaan.
Giit naman ni Fr. Albert Delvo ng Manila Archdiocesan and Parochial Schools Association–RCBNE System, malinaw na anti-corruption ang kilos-protesta at hindi ito layong patalsikin si Pangulong Marcos Jr. o pauuwiin si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hindi kasama sa agenda ang pagpapa-uwi kay Duterte o pagpapatalsik kay Marcos Jr. Laban ito sa corruption,” ani Delvo.
Samantala, tiniyak ng Malacañang na iginagalang ni Pangulong Marcos Jr. ang kalayaan ng mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin kaugnay sa usapin ng flood control projects. (ARNOLD PAJARON JR)
