NAKAMIT ng Department of Science and Technology Region 1 (DOST Region 1) ang prestihiyosong Dayaw ti Agmanman SILNAG Award 2024 bilang pagkilala sa mahusay nitong pagpapatupad ng mga proyekto at aktibong suporta sa gender-responsive Regional Project Monitoring and Evaluation System (RPMES).
Ang pagkilalang ito ay ipinagdiwang sa ginanap na 3rd Quarter Regional Development Council-Region 1 (RDC-1) meeting noong Setyembre 10, 2025 sa Francisco I. Ortega Convention Center, Sevilla, City of San Fernando, La Union.
Pinangunahan ang pagpupulong ni DepDev Region 1 Director Stephanie Christiansen at dinaluhan ng mga opisyal na sina Asec. Ana Carmela Remigio, Presidential Assistant Secretary for Northern Luzon; Ilocos Sur Governor Jeremias Singson; San Fernando City Mayor Hermenegildo Gualberto; at iba pang kinatawan mula sa LGU, academe, at pribadong sektor.
Sa naturang pagtitipon, ibinahagi ni DOST Region 1 Regional Director Teresita A. Tabaog ang mga pangunahing tampok ng darating na National Science, Technology, and Innovation Week (NSTW) 2025, na nakatakdang idaos sa Nobyembre 18–21 sa Laoag City, Ilocos Norte.
Kabilang sa mga itatampok ang iba’t ibang teknolohiya at inisyatiba na nakasentro sa apat na haligi ng pag-unlad ng DOST at ito ay ang human well-being, wealth creation, wealth protection, at sustainability.
Matapos ang kanyang presentasyon, buong suporta ang ibinigay ng Konseho sa pamamagitan ng isang resolusyon na nag-eengganyo sa mga regional line agencies, LGUs, akademya, pribadong sektor, at iba pang stakeholders na aktibong makilahok sa NSTW 2025 sa Laoag City.
Ang mosyon ay inihain ni dating DOST Region 1 Director Armando Q. Ganal at sinang-ayunan ng Konseho.
Sa pamamagitan ng karangalang ito at nalalapit na NSTW 2025, muling pinatutunayan ng DOST Region 1 ang pangunguna nito sa pagsusulong ng agham, teknolohiya, at inobasyon para sa mas matalino, matatag, at napapanatiling Ilocos Region. (MINA PADERNA)
