Pinarangalan ng Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) ang mga retirado ng bansa sa pagdiriwang ng National Pensioners’ Day na ginanap sa GSIS Head Office, Pasay City, bilang tampok na bahagi ng lingguhang selebrasyon ng National Pensioners’ Week.
Mahigit 200 pensioners mula sa Philippine Alliance of Retired Educators (PARE), GSIS Retirees Association Inc. (GRAI), at mga SSS pensioners ang dumalo sa programa na naghandog ng libreng medical wellness check-up, masahe, gupit mula sa TESDA, pamamahagi ng tokens, pag-award ng land titles sa sampung pensioners, at film screening ng pelikulang Miss Granny mula sa Viva Films.
Nagbigay saya ang espesyal na pagtatanghal ng “Soul Siren” Nina na umawit ng kanyang mga pamosong kanta para sa mga dumalo.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni GSIS OIC-President at General Manager Juliet Bautista na ang mga pensioners ay nararapat na parangalan sa kanilang sakripisyo at serbisyo sa bayan.
Binigyang-diin niya ang mga reporma gaya ng pagtanggal ng survivorship pension cap, mas maluwag na Christmas Cash Gift rules, online pension applications sa GSIS Touch, at ang pagbabasura ng cohabitation rule para sa mga survivorship pensioners.
“Ang araw na ito ay para sa inyo, ating mahal na pensioners, bilang pagkilala at pasasalamat sa lahat ng taon ng serbisyo at sakripisyo ninyo para sa bayan at sa inyong pamilya,” wika ni Bautista.
Samantala, binigyang-pugay din ni Finance Undersecretary Rolando Tungpalan, na kumatawan kay Secretary Ralph Recto, ang papel ng GSIS at SSS.
“Hindi kayo footnotes sa aming budget books. Kayo ang dahilan kung bakit umiiral ang mga programang ito,” aniya.
Idinagdag niya na tungkulin ng Department of Finance na tiyaking nananatiling matatag ang mga institusyong pampinansyal ng gobyerno upang mapanatili ang benepisyo hindi lamang ngayon kundi maging sa hinaharap.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin naman ni SSS President at CEO Robert Joseph De Claro ang pagkakaisa ng dalawang institusyon.
“Ito ay hindi tungkol sa paghahambing ng benepisyo, kundi sa pagkilala na kayo ang mga haligi ng ating bansa.”
Kasabay nito, isinagawa rin ang mga regional celebrations:
- Setyembre 10 – GSIS Cabanatuan (North Luzon)
- Setyembre 11 – GSIS Laguna (South Luzon)
- Setyembre 12 – GSIS Cebu (Visayas)
- Setyembre 12 – GSIS Tagum (Mindanao)
Layunin ng National Pensioners’ Week na kilalanin ang dekadang serbisyo ng mga retirado, bigyang-solusyon ang kanilang mga hinaing at palakasin pa ang seguridad sa pananalapi ng mga pensioners sa buong bansa. (MINA PADERNA)
