NAARESTO ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang 47-anyos na lalaki na itinuturong lookout sa pamamaril na ikinasawi ng magkapatid sa Novaliches, Quezon City.
Kinilala ang suspek bilang si alias “Joseph”, residente ng Barangay Gulod, Novaliches. Ayon sa ulat, nahuli siya sa isinagawang follow-up operation ng Novaliches Police Station (PS 4) bandang 12:50 ng tanghali noong Huwebes, Setyembre 12.
Batay sa imbestigasyon, naganap ang pamamaril alas-8:50 ng gabi noong Miyerkules, Setyembre 10, 2025, sa mismong tahanan ng mga biktima sa Barangay Gulod.
Abala umano ang magkapatid sa paghahanda ng loot bags para sa kaarawan ng kanilang pamangkin nang biglang dumating ang dalawang armadong salarin sakay ng motorsiklo at agad pinagbabaril ang mga ito.
Tumakas ang mga gunman patungo sa Quirino Highway matapos ang insidente.
Dead on the spot ang magkapatid habang sugatan naman ang kanilang kapitbahay na agad isinugod sa Quezon City General Hospital.
Nadiskubre ng mga awtoridad na nagsilbing lookout si “Joseph” sa krimen.
Sa beripikasyon ng Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) system, lumabas na dati na siyang nasangkot sa mga kasong may kinalaman sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (R.A. 9165) at ilegal na sugal noong 2010 at 2025.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong murder na inihain sa Quezon City Prosecutor’s Office. ART TORRES
