Nagsampa ng administratibong reklamo ang isang Grab delivery rider laban sa pitong pulis-Maynila na umano’y nagtangkang dumukot at nangikil sa kanya sa Sampaloc, Maynila noong Setyembre 9.
Kinilala ang biktima na si Chester Dumaran, 27, na personal na nagtungo sa National Police Commission (Napolcom) upang isampa ang kaso laban sa isang police major, dalawang master sergeant, dalawang staff sergeant, isang corporal, at isang patrolman.
Ang reklamo ay para sa grave misconduct, grave irregularities in the performance of duty, at conduct unbecoming of a police officer.
Ayon kay Dumaran, hinarang sila ng mga nakasibilyang pulis habang nakikipagkuwentuhan siya sa isang Foodpanda rider sa Santisima Trinidad Street, Barangay Balic-Balic.
Aniya, pinilit silang isakay sa sasakyan at inikot-ikot sa Rizal province habang tinatakot na papatayin kung hindi sila makikipag-cooperate.
Nakahanap ng tiyempo si Dumaran para makatakas nang huminto ang grupo sa Maceda Street corner Laong Laan pasado hatinggabi. Ngunit ang kasama niyang Foodpanda rider ay dinala sa Manila Police District (MPD) at sinampahan ng drug-related charges.
Ibinunyag pa ng biktima na kinuha ng mga pulis ang kanyang cellphone, kuwintas, at ₱9,000 mula sa GCash account na aniya’y ipon para sa kanyang mga anak.
“This is the first time I’m hearing about a case like this, and I am very, very bothered. We will not tolerate this if what Chester is saying is true,” ani Napolcom Vice Chair Rafael Vicente Calinisan.
Dagdag ni Calinisan, sinimulan na ng Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ang imbestigasyon, at nakikipag-ugnayan na ang Napolcom sa PNP upang masiguro ang kaligtasan ni Dumaran.
“We will make sure that he is protected. Whatever Chester needs, we will try to provide. His decision to come forward is a step toward ensuring his own safety,” dagdag niya.
Tiniyak din ng Napolcom na susundin ang due process at pinaalalahanan ang mga pulis na sumunod sa tamang arrest procedures gaya ng nakasaad sa PNP manual at sa Konstitusyon.
