Iminungkahi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero nitong Linggo, Setyembre 7, na bawasan nang malaki ang alokasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa flood control projects sa 2026 budget at ilipat ang pondo sa mas prayoridad na sektor gaya ng edukasyon, kalusugan, at produksyon ng pagkain.
Ayon kay Escudero, halos ₱250.8 bilyon sa ₱881.3-bilyong panukalang budget ng DPWH para sa susunod na taon ang nakalaan sa flood control, katumbas ng isang-katlo ng kabuuang pondo ng ahensya at 20 ulit na mas malaki kaysa sa ₱13 bilyong inilaan para sa pagpapatayo ng mga bagong classroom.
“₱13 bilyon lang ang para sa mga bagong classrooms tapos baha ang pondo para sa flood control. Mas malaki pa kaysa pondo para sa mga bagong kalye at limang beses na mas malaki kaysa sa para sa mga bagong tulay,” giit ng senador.
Binigyang-diin pa ni Escudero na mas mainam munang bawasan ang flood control funds habang hinihintay ang master plan na pinopondohan ng Asian Development Bank (ADB).
“Kapag binawasan ang flood control funds, mababawasan din ang posibilidad ng katiwalian,” dagdag niya.
Sa isinumiteng budget ng DPWH sa Kamara, nakapaloob ang ₱108 bilyon para sa “asset preservation,” ₱182.5 bilyon para sa “network development,” ₱52 bilyon para sa mga tulay, ₱15.4 bilyon para sa “local programs,” at ₱167.8 bilyon para sa “convergence at special support.”
Para kay Escudero, dapat “irecast” ng Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang badyet ng DPWH at bawasan ang flood control allocation sa pinakamababang kailangan, lalo na sa mga lugar na tunay na lantad sa panganib ng pagbaha.
“The development impact of the budget has been clearly diluted by this irrational bias for flood control. If budgeting is the smart application of scarce resources to where they can make the greatest good for the greatest number of people, then why are we allowing a program that creates the least impact corner much of the funds?” pahayag pa ng Senate President.
Hinikayat din niya si DPWH Secretary Vince Dizon na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at pribadong sektor para sa paglilinis ng mga ilog, lalo na sa Metro Manila, habang sinusuri ang lahat ng proyektong pampubliko.
