Nanatiling pangarap at hindi realidad para sa mahihirap na pamilya ang pagkakaroon ng sariling bahay sa ilalim ng socialized housing program ng pamahalaan.
Ayon sa bagong pag-aaral ng UP Center for Integrative and Development Studies (UP CIDS), ang mababang sahod, kawalan ng job security, at mataas na gastusin sa pamumuhay ang pangunahing dahilan kung bakit bigo ang mga benepisyaryo na makapasok sa programang 4PH (Pambansang Pabahay Para sa Pilipino).
Sa ulat nina Rafael Vicente Dimalanta, Vincent Eugenio, Abigail Roa, at Jay-R Panagsagan, binanggit na kahit pinalawak na ang programa mula 2022, hindi nito natutugunan ang ugat ng problema sa affordability at accessibility ng pabahay.
Batay sa datos ng state housing agency, aabot sa ₱8,324.06 kada buwan ang babayaran ng isang pamilya para sa mid-range na unit na nagkakahalaga ng ₱1.5 milyon. Bukod pa rito, may dagdag na gastusin sa maintenance at operations fees na aabot sa ₱2,000 buwan-buwan.
Ngunit ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang mga pamilyang kabilang sa bottom 30% income earners, ang mismong target ng programa, ay kumikita lamang ng ₱11,940 hanggang ₱17,369 kada buwan.
Ibig sabihin, halos kalahati hanggang mahigit 59% ng kanilang kabuuang kita ay mapupunta lamang sa bayad sa bahay.
Layunin ng 4PH na makapagtayo ng anim na milyong bahay pagsapit ng 2028.
Subalit ayon kay Human Settlements and Urban Development Secretary Jose Ramon P. Aliling, 1,900 units pa lang ang natatapos hanggang ngayon.
Bagama’t pinananatili ang target na 300,000 units sa 2028, aminado ang kalihim na hindi ito maaabot kung hindi mapapalakas ang programa.
Dagdag pang problema ang requirement na dapat miyembro ng Pag-IBIG Fund ang benepisyaryo.
Para sa informal workers na mababa at hindi regular ang kita, ito ay nagiging dagdag balakid.
“The program’s financing structure and restrictive criteria thus reinforce exclusion undermining its stated goal of prioritizing the poorest,” ayon sa pag-aaral.
Iminungkahi ng mga mananaliksik ang mas malaking budget allocation para sa socialized housing, pag-ayon ng amortization sa kakayahang pinansyal ng mga benepisyaryo, at pagbawas ng depende ng gobyerno sa pribadong sektor.
Kailangan ding ayusin ang land governance upang maiwasan ang speculation at pagtaas ng presyo ng lupa na lalo pang nagpapahirap sa access sa abot-kayang pabahay. (LIMUEL TOLENTINO)
