Inamin ni controversial contractor Sarah Discaya nitong Lunes, Setyembre 1, na sa ilang pagkakataon ay sabay-sabay na lumahok ang kanyang siyam na construction firms sa parehong bidding para sa mga flood control projects ng gobyerno.
Ito ay kasunod ng pagtatanong kay Discaya ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, matapos lumabas na siya ang may-ari ng hindi bababa sa siyam na kumpanya.
“Mrs. Discaya, mayroon bang pagkakataon ‘yung siyam na pag-aari mo ng construction company, meron bang pagkakataon na sila-sila naglalaban sa isang bidding, sa isang kontrata?” tanong ni Estrada.
Sa una, itinanggi ni Discaya ang alegasyon. Ngunit nang igiit ni Estrada na hihingi siya ng datos mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), inamin ng kontraktor ang nangyari.
“So minsan naglalaban-laban yung siyam?” tanong ni Estrada. “Yes po,” sagot ni Discaya.
“So that is not a legitimate bidding. Dahil yung siyam na ‘yun na naglalaban-laban sa isang kontrata, iisa lang may ari. So kahit sino dun, kahit sinong manalo dun sa bidding na yun, ikaw ang panalo,” ani Estrada
Pumagitna si Senator Erwin Tulfo, “Ang sagot po dyan, Senate Pro Tempore, nagbibiding-bidingan.”
Ang siyam na kumpanya ni Discaya ay:
- Alpha and Omega Construction
- St. Timothy Construction
- St. Gerrard Construction
- Elite General Contractor and Development Corporation
- St. Matthew General Contractor & Development
- Great Pacific Builders and General Contractor
- YPR General Contractor and Construction Supply
- Amethyst Horizon Builders and General Contractor & Dev’t Corp.
- Way Maker OPC
Si Discaya ang chief operating officer ng Alpha and Omega, na ikalawa sa 15 contractors na nakatanggap ng P100 billion worth ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon. Siya rin ay chief financial officer ng ibang kumpanya, kabilang ang St. Timothy na pinamamahalaan ngayon ng pamangkin ng kanyang asawa, si Pacifico “Curlee” Discaya II.
Ito ang kauna-unahang pagdalo ni Discaya sa Senate probe matapos siyang ipa-subpoena para sa hindi pagdalo sa pagdinig noong Agosto 19.
Bukod dito, iginiit ni Discaya na ang viral interviews niya tungkol sa malaking kita ng pamilya nila mula sa DPWH ay spliced, dahilan para tanungin siya ni Senate Minority Leader Tito Sotto kung sinasabi ba niya na ini-edit ng news personalities ang kanyang sagot.
Ayon sa akusasyon ng kanyang nakalaban sa 2025 mayoral elections, si Pasig City Mayor Vico Sotto, nagbayad umano si Discaya sa ilang journalists para sa campaign exposure.
Sa mga naunang interviews, ipinakita ni Discaya ang halos 40 luxury vehicles sa kanilang parking building. Sa probe nitong Lunes, sinabi niya na sa 28 lang ang pag-aari niya, at ang iba ay service cars.
Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), lahat ng kumpanya ni Discaya ay nakakuha ng 421 government projects na nagkakahalaga ng P31 billion.
Itinuring ng PCIJ si Discaya at ang kanyang asawa bilang “King and Queen of Flood Control.”
Itinanggi naman niya na mayroong “ghost” flood control projects ang kanyang mga kumpanya.
