Photo from Financial Times
Mahigit 600 katao ang nasawi matapos yanigin ng malakas na lindol at sunod-sunod na aftershocks ang silangang bahagi ng Afghanistan bago maghatinggabi nitong Lunes, ayon sa Interior Ministry.
Ayon sa pahayag ng tagapagsalita na si Abdul Mateen Qani, 610 katao ang namatay at 1,300 ang nasugatan sa Kunar province, habang 12 ang nasawi at 255 ang sugatan sa karatig na Nangarhar province. Marami ring kabahayan ang gumuho at winasak ng lindol.
Naitala ng US Geological Survey na ang episentro ng lindol ay 27 kilometro mula sa lungsod ng Jalalabad sa Nangarhar, sa lalim na walong (8) kilometro. Dahil sa kababawan ng pagyanig, mas malala ang pinsalang idinulot nito.
Nagpapatuloy ang malawakang operasyon ng Taliban authorities at United Nations upang iligtas ang mga biktima at makapaghatid ng tulong. Sa kanilang pahayag, sinabi ng UN: “The UN in Afghanistan is deeply saddened by the devastating earthquake… Teams are on the ground delivering emergency assistance and lifesaving support.”
Samantala, tumama rin ang serye ng aftershocks matapos ang unang lindol, kabilang ang isang 5.2-magnitude na pagyanig dakong alas-4 ng madaling-araw.
Madaling maapektuhan ang Afghanistan ng mga lindol dahil sa lokasyon nito sa Hindu Kush mountain range, na nasa hangganan ng Eurasian at Indian tectonic plates.
Noong Hunyo 2022, niyanig din ang Paktika province ng isang 5.9-magnitude quake na pumatay ng mahigit 1,000 katao.
Bukod sa lindol, sinalanta rin ng pagbaha ang Nangarhar province nitong nakaraang Sabado, na nagdulot ng karagdagang limang pagkasawi at pagkasira ng mga pananim at ari-arian.
Nahaharap na sa matinding krisis pang-humanitar ang Afghanistan bunsod ng apat na dekadang digmaan. Higit pang lumala ang sitwasyon dahil sa pagbawas ng foreign aid matapos muling makabalik sa kapangyarihan ang Taliban, dahilan upang maging mas mahirap para sa bansa na makabangon mula sa mga kalamidad.
