
Opisyal nang pinalitan ni Transportation Secretary Vince Dizon si Manuel Bonoan bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos tanggapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw ng huli nitong Linggo, Agosto 31.
Ayon sa Malacañang, kusang nagbitiw si Bonoan bilang suporta sa panawagan ng Pangulo para sa accountability, transparency, at reporma sa kagawaran, kasunod ng kontrobersya sa bilyon-bilyong pisong flood control projects.
Itinalaga si Dizon upang magsagawa ng “full organizational sweep” sa DPWH at tiyaking ang pondo ng bayan ay mapupunta lamang sa mga proyektong tunay na makikinabang ang publiko, lalo na sa paglutas sa matinding problema ng pagbaha. Pansamantalang pamumunuan ni Undersecretary Giovanni Lopez ang Department of Transportation (DOTr).
Kasabay nito, inanunsyo rin ng Palasyo ang pagbuo ng independent commission na magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa flood control anomalies, maglalantad ng iregularidad, at magrerekomenda ng mga pananagutang dapat ipataw.
“These decisions reflect the administration’s firm resolve to clean up corruption, strengthen institutions, and deliver honest and effective public service under Bagong Pilipinas,” ayon sa Malacañang.
Batay sa datos na inilabas ni Marcos noong Agosto 11, mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025 ay umabot sa P545.64 bilyon ang inilaan para sa flood control projects. Sa halagang ito, nasa 20% o mahigit P100 bilyon ang napunta lamang sa 15 kontratista, na umano’y konektado pa sa ilang makapangyarihang politiko.
Ang pagbubunyag ay nagpasiklab ng serye ng mga exposé na mas lalo pang nagpainit sa galit ng publiko hinggil sa maling paggamit ng pondong dapat sana’y panlaban sa lumalalang pagbaha sa bansa.
